PARA kay Marian Rivera, ang pagganap bilang Pinay superhero na si Darna ang pinakamahirap na papel na ginampanan niya.
Sa mga eksenang hina-harness siya at sa fight scenes niya sa wushu ay tumodo na raw siya.
Walang reklamo si Marian kahit nagkasugat-sugat ang singit niya dahil sa harness na sinusuot niya.
“Kasi, hindi po talaga biro ‘yung harness. At saka ‘yun nga lang po ‘yung suot na panty ni Darna, so ‘yung pinaka-legs ko at ‘yung harness, nagra-rub talaga siya! So, ganu’n talaga, magkakasugat-sugat,” bulalas ni Marian nang matsika namin siya sa grand press launch ng Darna kamakalawa nang gabi sa Studio 5 ng GMA.
So, mahapdi ‘yon sa singit? 
“Oo, lagyan na lang natin ng something like moisturizer pagtapos ng taping. Wala naman tayong magagawa, eh!” nakangiting sey ng magandang dalaga.
Pero makinis pa rin naman at hindi nangitim ang singit niya?
“Ginagawan ko ng paraan para hindi umitim! Ha! Ha! Ha! Pero kung magiging pabaya ka eh mangyayari ‘yon (mangingitim).”
Bukod sa singit ay nagkakasugat at pasa rin daw ang ibang bahagi ng katawan niya.
“Kanina bago ako pumunta rito, may mga sugat na ako dahil sa mga eksena ko na sinasagip ko si Valentina at dinagit ako ni Babaeng Lawin. Pero hindi talaga siya maiiwasan.”
Ayon kay Marian, masarap ang feeling niya bilang bagong Darna at excited siya kung anong magiging reaksyon ng mga tao sa paglipad niya at sa pagta-transform niya bilang dalagang lumpo na si Narda na magiging tagapangtanggol ng sangkatauhan na si Darna.
Sobrang excited din si Marian nang isuot niya ang kanyang Darna costume sa nasabing presscon. Gusto niya raw malaman kung anong magiging reaksyon ng press at ng mga bossing ng network.
Kung dati ay hind pa siya gaanong komportable sa kanyang red and gold two-piece superhero costume, ngayon ay komportable na raw siya kapag suot ito.
Wala na bang dapat ipag-alala ang MTRCB sa kanyang revealing Darna costume?
“Wala na! Ha! Ha! Ha! At saka ‘yung unang design, medyo hinabaan. Kasi, maraming nag-react, na iniintindi rin naman natin siyempre.
“Binibigyan din natin ng importansiya ‘yung sinasabi ng ibang tao para mas mapaganda siya.
“So, ginawa naman namin ‘yung ginusto ng mga nakararami, na sa tingin namin, eh papasa naman talaga,” dayalog niya.
***
Malaki ang responsibilidad ni Marian dahil maraming umaasa na ang Darna niya ang magtatayo o muling mag-aangat sa primetime programs ng Kapuso network na lately ay tila nauungusan na ng mga katapat na programa sa Kapamilya network.
“Hindi naman sa ako ‘yung magtatayo. Sabi ko nga, hindi lang ako kundi ‘yung buong cast ang magtataguyod ng Darna. Ayoko na lang isipin ‘yung pressure. Kasi, ang hirap, eh! Pagod ka na, hirap ka na, sugat-sugat ka na, tapos, ipe-pressure mo pa ‘yung sarili mo. So, enjoy na lang,” katwiran ng magandang young actress.
Itatapat ang Darna sa show ni Santino sa kabila na umaalagwa ngayon sa ratings. Kinakabahan ba siya roon?
“Hindi ko rin masabi, eh! Basta, tulad ng sinasabi ko, ie-enjoy ko na lang ‘tong Darna. Iba naman siguro ‘yung sa kabila at iba naman itong sa amin, na pinagbubutihan hindi lang ako, kundi lahat ng cast, lahat ng staff.
“To be honest, hindi na sila magkandaugaga sa mga ginagawa nila para mas maging maganda ‘to at mahabol ‘yung airing nito. So, doon pa lang, makikita mo sila na naghahanda talaga.”
Sa palagay ba niya, sa muling paglipad ni Darna ay kasabay din ang muling paglipad at pamamayagpag ng primetime shows ng GMA?
“Sana, sana. Sana makatulong kahit paano. At naniniwala rin kasi ako na sa lahat ng ginagawa mong show, eh may responsibilida ka. Que bida ka, que hindi, may responsibilidad ka sa show na ‘yon.”
Anong feeling niya na tinawag siyang Queen of Primetime ng mga bossing ng Siyete?
“Siyempre, happy ako. Salamat na sinabi nila ‘yung gano’n. Kung gano’n ‘yung tingin nila, eh thank you talaga!”
Kung siya ang Queen, sino naman ang Primetime King?
“Siyempre, may sasabihin pa ba akong iba? Malamang si Dingdong (Dantes) ang gusto kong maging King, ‘di ba?” natatawang pakli ni Marian.