Cyber Prayer

Hardliner

Itanong mo kay Dok


 

PUBLIC SERVICE

Karapat-dapat si Reyes


Tama ang ginawang pag-upo o pag-appoint ni PGMA kay Justice Ruben T. Reyes sa Supreme Court o Korte Suprema. Malawak ang karanasan at malalim ang karunungan nito na dadalhin niya sa mataas na korte.

Hindi rin dapat pang pakinggan ang ilang patutsada ng ilang grupo na kontra kay Reyes na nagsasabing matanda na raw itong si Reyes para paupuin pa sa Korte Suprema.

Si Reyes kasi ay 68 taon na at makakapaglingkod na lamang ng isa at kalahating taon sa korte bago magretiro.

Si Reyes ay dumaan sa masusing pagsusuri ng Judicial Bar Council (JBC) na kinabibilangan ng magagaling na personalidad sa larangan ng batas at ang mga ito ay nagkaisa sa pagkilala sa lawak ng kaalaman at kasanayan nitong si Reyes.

Sa katunayan ay anim na beses nang nominado itong si Reyes ng JBC kaya naman napapanahon at nararapat lang na siya ay umakyat na bilang mahistrado ng mataas na hukuman. Ang pinakamahalagang sahog o requirement sa pag-akyat sa SC ay ang aprubal ng JBC.

Ang maikling panahon na magiging panunungkulan ni Reyes sa SC ay kakikitaan ng kakaibang husay at mag-iiwan ng magandang ehemplo sa lahat ng mahistrado.

Isang "career jurist", mahabang taon ang kanyang ginugol sa pag-unlad sa larangan ng batas at ang kanyang integridad ay nasa mataas na bahagdan. Siya ay nagsimula sa pribadong sektor bilang private and corporate practitioner (10 years), naging bemedalled Asst. City Fiscal ng Maynila (9 years), outstanding RTC Judge ng Bataan at Manila (10 years at naging multi-awarded Appellate Justice sa Court of Appeals (13 years).

Kahit sa edad na 68, si Justice ay malakas pa rin at napanatili niyang mababa ang bilang ng mga kasong nakalatag sa kanya at ZERO balance siya sa mga criminal cases sa Court of Appeals (CA). Katunayan ay umalis siya sa CA na wala siyang nakabimbing mga kaso kahit isa. Ito ay ang magiging sukatan sa galing ng pagkatao nitong si Justice Reyes.

Si Reyes ay ipinanganak noong 1939 sa Hagonoy, Bulacan. Ang kanyang maybahay ay si Atty. Ellie Cruz-Reyes of Baliuag. Sila ay may apat na anak; sila Pastor Winston, Dr. Roselin, Jason Immanuel at abugadang si Tammy Ann.

***

Hehehe! May tama sana sa atin itong isang opisyal ng isang kilalang department store kung hindi lang nakiusap na rin ang ating kapatid sa hanapbuhay na may-ari ng Newsbarbers na gustong paikutin ng opisyal na ‘di muna natin babanggitin ang pangalan.

Pero ipaparating pa rin namin ang mensaheng ito. Kung media exposure lang ang gusto mo, Ms. G, kaya po ng Newsbarbers na lumabas at magpalabas ng "write-up" sa iba’t ibang pahayagan, broadsheet man o tabloid.

Bakit po kanyo? Dahil halos lahat po sila ay taga-media. Kaya nga Newsbarbers ‘yung name ng kanilang barbershop.

Nitong huli nga ay na-feature sila sa isang pang-umagang programa sa isang giant TV network.

Ngunit kilala ko ang mga may-ari ng Newsbarbers, gusto nilang makilala sa pamamagitan ng "word of mouth" at ‘di dahil sa kanilang koneksyon sa media community. Ika nga nila, walang challenge kung puro papogi ka sa mga dyaryo kung hindi naman gusto ng tao ang serbisyo mo.

Sa awa ng Maykapal, nag-prosper ang kanilang negosyo at meron na silang 5 branches na lahat ay nasa loob ng shopping malls. Minamalas din sila paminsan-minsan pero gusto pa rin sila ng mga tao.

Kung naliliitan ka sa Newsbarbers bilang negosyo ng mga taga-media, sana maalaala mo Ms. G na sa maliit din nagsimula ang negosyo ng may-ari ng mall na pinagtatrabahuhan mo. So hayan, kung nanghihingi ng "news write-ups" sa Newsbarbers, isama mo na ito."

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top