Isang sports utility vehicle na may plakang numero 8, ekslusibong plaka na nakalaan sa mga kongresista sa bansa ang nasangkot kahapon ng madaling-araw sa isang aksidente sa Quezon City.
Pero hindi ang aksidente ang nais nating kuwestyunin kundi ang sangkot na sasakyan na may numerong 8.
Hindi kasi kongresista ang may dala o lulan ng nakaaksidenteng SUV.
Ang numero 8 na protocol plates ay nakalaan sa mga kongresista sa ating bansa sa bisa ng Executive Order 400 na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Enero 2005 bagama’t dati na itong ipinatupad ng mga nagdaang pangulo ng bansa subalit binawi ng pinatalksik na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang plakang 8 ay ipinapagamit sa mga kongresista upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan saan man sila magpunta.
Maganda ang layunin ng gobyerno pero may negatibo rin itong epektong dulot.
Kagaya ng pinakahuling insidenteng ito kung saan kailangang pang magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang tukuyin kung sinong kongresista ang nasangkot sa aksidente gayung kung maayos ang talaan ng Land Transportation Office (LTO) sa mga iniisyuhan ng protocol plates madali itong matutukoy.
Dahil sa pangyayaring ito, kailangang maghigpit ng LTO at magpatupad ng mabigat na batas sa sinumang magsasamantalang opisyal ng gobyerno.
Pinakamainam pang hakbangin ay bawiin ang mga inisyung protocol plates sa mga hindi na nakaupong opisyal ng gobyerno upang walang pagsasamantalang mangyari sa panig ng Pangulo ng bansa hanggang sa Regional Trial Court Judges na siyang may prebilihiyong makagamit ng protocol plates.
|