August 18, 2008 - Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
PUBLIC SERVICE
 
Ayusin at pag-alabin ang pag-ibig
Kuya Rom
 

Dear Kuya Rom,
Kung puwede lang sana na punitin na lang ang marriage certificate namin, pero ‘di ko magawa. Pagkatapos ng tatlong taon na pagsasama namin ng mister ko, pagod na ako sa mga bagay na nakikita ko sa kanya.
Ako ay lumaki na laging malinis ang loob ng bahay, kaya’t dala-dala ko ito sa buhay naming mag-asawa. Gusto ko’y la­ging malinis ang loob at lahat ng bahagi ng bahay. Lagi kaming nag-aaway ng mister ko pagdating niya mula sa trabaho. Ugali niyang ipasok sa loob ng bahay kahit maruming sapatos. Kapag siya ay nagtu-toothbrush, laging iniiwan niyang nakabukas ang toothpaste. Hindi rin siya malinis na gumamit ng rest room namin. Laging nakakalat ang kanyang mga gamit. Mahilig lang akong nasa bahay, nag-aayos at gumawa ng maraming bagay sa igaganda ng bahay. Siya naman ay laging nasa labas ng bahay, mahilig sa sports, at pag-uwi, marumi.
Mahal ko siya, of course. Okay naman siya bilang breadwinner. Incompatible lamang talaga kami. May paraan po ba na puwedeng gawin para matigil ang pagkainis ko sa mister ko sa maraming bagay? -- Andrea

Dear Andrea,
Unawain mo na natural lamang na magkaiba kayo sa mara­ming bagay sapagkat ikaw ay babae at siya ay lalaki. Nasa adjustment period pa kayong dalawa. Kailangan ninyo ng pito hanggang sampung taon bago ninyo matutunang tanggapin nang lubos ang isa’t isa. Natural din ang pag-aaway ng mag-asawa, kaya’t huwag kang mangarap ng isang perpektong pagsasama. Sa ganitong pagkakataon, mahalagang ibalik ninyo sa isip ang kahulugan ng pag-ibig.
Ang pag-ibig ay hindi damdamin kundi pagtatalaga, katatagan at kaluwagan ng loob, kasabikang tumulong at maglingkod, at pagiging handa sa pagharap sa hamon na ang masasama at nakakairitang pag-uugali ay palitan ng bago at mabuting pag-uugali para sa ikatitibay at ikalalago ng relasyon ng dalawang nagmamahalan.
Sa plano ng Diyos, ang mag-asawa ay dalawang magkaibang nilalang na pinag-isang puso na ang layunin ay maging kasama ng Diyos sa paglikha ng isang pamilya. Ang ganitong pananaw sa buhay ng mag-asawa ay siyang nagpapalakas at nagtutulak sa kanila na maging malikhain upang makaunawa kung paano nila mapatitibay ang kanilang pagsasama.
Ang mag-asawa ay kailangang mag-isip, kumilos at mamuhay tulad ng isang team. Ang isang team ay nag-uusap, nagpaplano, at nagkakasundo kung paano isasakatuparan ang kanilang plano upang sila ay magtagumpay. Kung baga sa pagsusulat, ang dalawang mag-asawa ay co-author sa kanilang buhay. Kailangan silang magkasundo sa bawat detalye upang ang kanilang isusulat na life story ay maging isang obra-maestra.
Ano ang dapat gawin? Kailangan nilang unahin sa lahat ang lumakad sa pag-ibig, at hindi sa galit o poot. Kailangan nilang pag-usapan ng mahinahon ang mga isyu o sitwasyong gumugulo sa kanila. Kailangan nilang bigyan ang bawat isa ng kala­yaang ilabas ang anumang damdaming nasaktan na walang halong panghuhusga. Kailangan nilang bantayan na huwag lumabas ang dating masasamang asal na nakasisira sa kanilang pagsasama. Kailangan nilang magbago ng isip para sa kabutihan ng pamilya. Kailangan nilang maging responsable sa bawat bahagi ng buhay nila bilang mag-asawa. Kailangan nilang tanggapin ng buong puso na sila’y nilikha ng Diyos na magkaiba. Kailangan nilang magsikap para mapagtagumpayan ang anumang pagsu­bok na maaaring magdala ng pagkawasak ng pamilya.
Manalig sa Diyos at manampalatayang may magandang plano Siya para sa inyong buhay. Hindi Niya kalooban na kayo ay nag-aaway at nauuwi sa paghihiwalay. Ang pananalig sa Diyos ay nagsisilbing sandata upang sirain ang masamang kaisipan na kapag nag-aaway ang mag-asawa ay papunta na sila sa paghihiwalay. Kadalasan ang pag-aaway ay pahiwatig lamang na may dapat kayong ayusin at dapat pag-alabin: Ang pag-ibig ninyo sa isa’t isa. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES