Bubuhusan daw ng pondo ng Kongreso ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) para higit pang mapalakas ang puwersa sa ikinakasang giyera sa pagitan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at tuluyang malumpo ang grupo.
Ibang klase talaga ang gobyernong ito, lahat gustong daanin sa pera.
Batid nating kailangan ng sapat na pondo ng AFP at DND para mapagwagian ang laban sa pagitan ng mga rebeldeng MILF pero hindi sa lahat ng panahon.
Para sa amin, sapat na ang nakalaang pondo ng AFP at DND para kayanin ang labanang ito ang nakikita lang nating problema ay ang maling paggamit sa pondo ng nasabing mga departamento ng gobyerno.
Isang halimbawa rito ay ang malaking pondong nakalaan sa ISAFP subalit hindi nagagamit ng tama.
Mali-mali ang mga impormasyong tinatanggap na nagiging sanhi ng tuluyang pagkasira ng imahe ng militar.
Sa aming palagay kung maayos lamang ang paggamit ng pondo ng AFP at DND at maayos ang pamamahala, hindi mangangamote ang puwersa ng militar sa ganitong laban.
Batid nating hangad ng Kongreso na makatulong sa opensiba laban sa mga rebeldeng MILF pero hindi sagot dito ang dagdag pondo dahil maari lamang itong magresulta na naman ng panibagong iregularidad.
|