SI John Lloyd Cruz at wala nang iba pa ang katambal ng bidang si Bea Alonzo sa telenobelang I ♥ Betty La Fea ng ABS-CBN.
Si John Lloyd ang gaganap sa papel ni Armando Solis, ang guwapo, edukado, mayaman at matalinong presidente ng Ecomoda Manila advertising agency na magpapaibig sa hindi kagandahang dilag na si Betty.
Akala ng marami ay hindi na si John Lloyd ang ipapareha kay Bea at medyo paghihiwalayin muna silang dalawa. Bakit ang ending ay siya pa rin ang napiling maging Armando Solis?
“Ayaw mo? Ha! Ha! Ha! Ayaw mo ba?!” natatawang buwelta sa amin ng binata nang matsika namin siya kahapon sa opisina ng Ecomoda Manila sa 11th floor ng ELJC building ng ABS.
“Kailan ko lang nalaman na ako pala ‘yung napili (for the role). Siguro, mga two weeks before ng showing ng A Very Special Love.
“Syempre, kailangan naming protektahan ‘yung kapakanan ng pelikula, kasi, baka magkasapawan.
“Respeto lang pareho sa pelikula at sa TV show. Ito naman kasi, meron siyang sariling panahon para sa promotion and everything.
“It was never the intention na paghiwalayin ‘yung loveteam (namin ni Bea). Ang real intention since the beginning, actually, before One More Chance pa, ang intention talaga, medyo gagawa lang kami ng projects individually.
“Hindi naman po para paghiwalayin talaga ‘yung team-up. Because I don’t think mapapaghiwalay mo pa ‘yon, eh! Ako, kahit gumawa ako ng ilang pelikula without Bea beside me, at siya kahit ganundin, gagawa at gagawa pa rin kami ng pelikula in the future. Imposibleng hindi!
“At ‘yung team-up na minahal mula pa nu’ng Kaytagal Kang Hinintay hanggang ngayon, hindi ‘yon mawawala. Ayaw naming parang bigla na lang sirain ‘yung foundation na nabuo namin between us and our supporters.
“Medyo mahirap gawin. Mahirap isipin. So, talagang wala sa intention ng company o naming dalawa ni Bea na paghiwalayin kami at buwagin ‘yung team-up,” paliwanag ni JLC.
Anong kinaiba ng magiging pagtatambal muli nila ngayon ni Bea?
“Everytime na magsasama kami sa isang bagong project, parang bago lahat, eh! Ang maganda lang, at ease na kayo sa isa’t isa, komportable na kayo sa isa’t isa.
“Pero kumbaga, ano ‘yun eh, magyu-unite ‘yung dalawang bagong characters na ipo-portray n’yo. So, parang lahat bago!”
***
First time nilang gagawa ng light comedy series ni Bea dahil noon ay palaging mabibigat na teleserye ang pinagsasamahan nila na panay drama at iyakan.
“Malaki ‘yung adjustment especially coming from a film na an entirely different medium. Parang hindi mo alam kung nag-o-OA ka ba or kulang, di ba?” dayalog ni Lloydie.
“Well, ako personally, ‘yun ang pinanggagalingan ko. ‘Yun ang medyo hirap ko sa set. Kami naman (ni Bea) as a team-up, parang mas madali pang umiyak at magpaiyak, eh! Kasi, ang hirap magpatawa at ‘yung magpatawa na totoo ‘yung ginagawa n’yo!
“So, kami, we welcome the challenge of course. Pero ang maganda kasi rito, nasa parang soap opera ka na palabas, so nabibigyan kayo ng panahon para ma-establish ‘yon, para mahasa ‘yon. Buti na lang gano’n, di ba? Unlike sa movies na two hours lang ang binibigay sa ’yo.”
Bakit ba siya ang napiling maging Armando samantalang dapat ay medyo may edad o mas mature ang gaganap sa karakter na ‘yon?
“Binase yata sa hairline ko, eh! Ha! Ha! Ha!” patawa niya.
“Honestly, hindi ko po alam kung bakit (ako ang napili). Hindi ko kasi alam na ganu’n pala, na mas matanda pala ‘yung Armando.
“Well, kung titingnan ako, mukha naman talaga akong mas matanda kay Bea. Hindi nga lang ganu’n katanda. Pero hindi ko alam kung anong reason nila.
“Sa akin kasi, lagi kong sinasabi na kahit na gaano ko kagusto ‘yung role o kahit na hindi ko gustong gawin, at the end of the day, I am a soldier of the company.
“Kung ano ang ibigay na trabaho sa akin, gagawin ko ‘yon whole-heartedly. At kung hindi man whole-heartedly in the beginning, I will definitely make my way through it.”
***
So, hindi totoo na kung siya ang papipiliin, mas gusto niyang iba na ang ipareha sa kanya para mailayo siya kay Bea?
“Ah, hindi, hindi… well, ang totoo talaga, mas maganda kung maipe-pair ako sa iba-iba. Because sabi ko nga, bago pa nagawa ‘yung One More Chance, originally, ‘yun ang plano.
“Sabi ko, ang galing, ang ganda, magandang opportunity for me and Bea na malaman for ourselves na ano ba ang magagawa natin? Ano ba ang makakaya natin kahit na hindi tayo magkasama?
“For the longest time, sobra kaming naging dependent sa isa’t isa, eh! Parang kahit anong gawin namin, nahihirapan kami ‘pag hindi kami magkasama. Sobra na kaming somehow, na-identify sa isa’t isa.
“So, ang kritikal nu’ng stage na ‘yon. Pero there’s no other way. Dapat talagang i-take namin ‘yung step na ‘yun. Kung hindi, parang hanggang doon na lang tayo sa safe, sa alam nating tatanggapin…”
So, safe ito dahil silang dalawa pa rin ang pinagtambal?
“Iba naman ‘to! I mean, sa pelikula, mas magagawa namin ‘yung gano’n.
“Nagkataon lang na eto, sa TV nangyari na magkasama kami. Pero pwede rin kaming magkasama sa pelikula, tapos, iba sa TV. Parang gano’n. Nagkataon lang na dito sa TV nangyari ‘yung pagsasama ulit,” esplika pa ng aktor.
Six years na ang tandem nilang dalawa, hindi ba siya nagsasawa kay Bea?
“Ah, hindi! Bakit ako magsasawa? Sabi ko nga, laging may bago, hindi lang kay Bea kundi pati sa mga taong nakakatrabaho namin.”
***
Sa pagiging big hit ng movie nila ni Sarah Geronimo ay napatunayan niyang kaya niyang tumayo kahit wala si Bea.
Hindi katulad ni Bea na hindi raw kayang tumayong mag-isa kapag wala siya…
“Hindi ko alam. Hindi naman siguro. She can definitely stand without me. At ako naman, parang hindi sapat ang isang pelikula para sabihin natin na kaya ko na.
“’Yung ginawa kong ‘yon, malaking-malaking sugal ‘yon. Walang foundation, wala man lang kaming pinagsamahan ni Sarah except for an episode of MMK.
“Kaya lang, ‘yun ‘yung sinasabi ko na kinailangan kong gawin para malaman ko sa sarili ko. Kasi, kung hindi ko ‘yon gagawin, kumbaga, forever na lang akong magwa-wonder. Pero isang project pa lang ‘yon,” very gentleman pang sambit ng current Box-Office King na si John Lloyd.