Kung kabado ang ilang opposition presidentiables sa posibleng pagtakbo ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada, walang pag-angal si Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sakaling puntiryahin ng dating boss ang makabalik sa palasyo ng Malacañang.
Bagama’t No.7 sa 2nd quarter ng Social Weather Station (SWS) survey si Estrada, walang nakikitang masama si Lacson kapag sumalang sa 2010 national election ang dating pangulo kahit malinaw sa kanyang isipan bilang ordinaryong mamamayan ang one-term policy sa Konstitusyon.
“Well, napakaaga pa para sabihin ‘yun dahil sa isang layman na tulad ko ang interpretasyon ko sa Konstitusyon, hindi na pwedeng magre-election ‘yung naging pangulo na kung ito’y na-elect,” ani Lacson.
Sa kabilang banda, nilinaw ni Lacson na wala itong pagkontra kapag natuloy ang mga prediksyon sa posibleng pagtakbo ni Estrada dahil karapatan aniya ng dating Pangulo ang maghangad ng posisyon sa gobyerno o maghain ng certificate of candidacy (COC) sa 2010 polls.
Inihalimbawa ni Lacson ang kaso ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung saan humirit ng 2nd term matapos puwersahang patalsikin si Estrada sa Malacañang noong 2001, sa pamamagitan ng EDSA Dos at nasa kamay din aniya ng Korte Suprema ang desisyon sa isyu ng resignation at pagbabawal tumakbo rito.
“Pero ‘yun aabot talaga sa Supreme Court pag dumating sa punto na naghain siya ng certificate of candidacy assuming na mayroong nag-file ng complaint sa Comelec aabot talaga sa Korte Suprema. At the end of the day, maski mag-rule ‘yung SC, mandate pa rin ng tao ang mananaig sa bandang huli,” ani Lacson.
|