|
Nag-amok ang isang Indian national nang umuwing lasing at nagbantang papatayin ang mga anak habang may hawak na baril kaya nakipag-agawan sa armas ang kanyang misis na nagresulta sa pagkamatay ng Bumbay habang nagpapambuno ang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Isinugod sa Malvar General Hospital subalit dead on arrival ang biktimang Bumbay na nakilalang si Pharmadel Singh, 43, dahil sa dalawang tama ng bala ng kalibre 9mm sa tiyan habang iniimbestigahan naman ng mga awtoridad ang kanyang asawa na si Emalyn, 38, tungkol sa insidente.
Base sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa sa No. 7 Emerald St., Silverland Subdivision, Bgy. Pasong Tamo, pasado alas-dos ng madaling-araw.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, may hawak ng kaso, bago ang insidente ay dumating ang biktima sa kanilang bahay na lango sa alak at sa hindi pa malaman na dahilan bigla na lamang itong nag-amok, kumuha ng baril, pumasok sa kuwarto ng kanyang mga anak at nagbanta na papatayin ang mga bata.
Dahil sa takot ng misis na si Emalyn ay inagaw nito ang baril mula sa kanyang mister subalit habang nagpapambuno ang mag-asawa sa pag-aagawan sa kalibre 9mm ay bigla na lamang itong pumutok at bumulagta sa sahig ang biktima.
Nalaman kay Emalyn na madalas umano siyang sinasaktan ng kanyang mister lalo na kapag nalalasing ito.
Hawak ngayon ng CIDU si Emalyn habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso. |