Abu Tilamsik  

Allan Diones

Alfie Lorenzo

Joe Barrameda


Pralala Et Cetera

Showbiz Gallery


 

ENTERTAINMENT

‘Transformers’ walang puknat ang aksyon


SUPER-ASTEEEEEEEEG!!! Ganu’n namin ilalarawan ang live-action film na Transformers, na hango sa hit cartoon series nu’ng ‘80s at action toys na gawa ng Hasbro.

Ito ang tunay na movie event ng summer season. Matapos namin itong mapanood ay parang biglang nalaos ang big blockbuster sequels na Spider-Man 3, Pirates 3 at Shrek 3.

Animo’y tinapakan at pinisak-pisak sila ng mga bakal na paa ng mga higanteng robots ng Transformers!

Si Sam Witwicky (Shia LaBeouf) ay isang ordinaryong teenager na binu-bully sa eskuwela, hindi pinapansin ng girls at magaling mag-salestalk para magkapera.

Nang ibili siya ng tatay niya ng kanyang first car, hindi natuwa si Sam na ang napili nitong kotse ay isang kakarag-karag na 1976 Chevy Camaro.

Nagloko at tumirik ang kotse nang isakay niya ang crush niyang hot babe ng campus na si Mikaela (Megan Fox).

Isang gabi ay bigla na lang umandar ang kanyang dilaw na kotse na tila may sariling buhay.

Nang habulin niya ito ay laking gulat niya nang makita niyang nag-transform ang kotse niya sa isang dambuhalang robot, na isa palang robotic alien na nagmula sa planetang Cybertron.

Ang robot na nag-anyong dilaw niyang kotse ay si Bumblebee, isang mabuting robot na nabibilang sa Autobots na pinamumunuan ni Optimus Prime (boses ni Peter Cullen).

Dumating sila sa Earth upang ipagtanggol si Sam mula sa mga buktot na Decepticons na ang lider ay si Megatron (boses ni Hugo Weaving).

Naipamana kay Sam ng kanyang kalolo-lolohan na isang Arctic explorer ang salamin nito, na nagtataglay ng lokasyon ng makapangyarihang cube na kung tawagin ay Allspark na power source ng mga alien robots, at ‘yun ang kukunin ng Autobots bago ito mapasakamay ng Decepticons.

***

Hindi kami avid fan ng Transformers cartoons pero pinanonood namin ito nu’ng bata pa kami kaya na-excite kami nang malaman naming gagawan ito ng live-action version ng blockbuster director na si Michael Bay.

Mabuti’t naisipan nila itong gawin ng executive producer na si Steven Spielberg dahil isang malaking tagumpay ang proyekto nila. Ito ang pelikulang totoong sulit ang ibabayad mo sa presyo ng tiket.

Nasa $150M man ang production budget nito ay alam mong ginastos nang tama ang bawat dolyar nito at makikita mong lahat ‘yon sa big screen.

Hindi maawat sa pag-abante ang digital effects technology kaya tila wala nang imposible pang gawin ngayon sa pelikula.

Flawless ang visual effects ng Transformers na mukhang totoong-totoo ang mga robot sa screen at hindi mo iisipin na gawa lang ng CGI.

Nawindang-windang kami sa galing ng pagkakagawa sa mga gumagalaw, naghahabulan, nagliliparan, nagbabagsakan at nagrarambulang dambuhalang robots.

Kapani-paniwala maging ang interaction nila sa human actors sa pelikula kaya iisipin mong mga tunay na robot ang kaeksena ng mga artista.

Kagila-gilalas ang pagta-transform ng mga ito mula sa isang helicopter, truck, tangke, kotse o jet na nagiging higanteng robots.

Maging boombox at celfone ay nagiging hi-tech robots, na animo’y maliliit na aliens.

Mas marami ang Decepticons (Megatron, Starscream, Brawl, Barricade, Bonecrusher, Blackout, Frenzy at Skorponok), pero mas bongga ang teamwork ng Autobots (Optimus Prime, Bumblebee, Jazz, Rachet at Ironhide).

Aliw ‘yung eksenang nagtatago ang Autobots habang nasa bakuran nina Sam para huwag makita ng parents nito.

Cute din ‘yung baduy music na tinutugtog ni Bumblebee sa car stereo dahil hindi siya nakapagsasalita.

Ang ganda ng tema na mga robot ang nagdedepensa sa sangkatauhan. Kaya naawa kami nang mabihag si Bumblebee, itsurang hindi siya tao at gawa siya sa metal.

Super-cool ang tunggalian ng mga robot lalo na ang todong faceoff ng mabangis at nakatatakot na si Megatron at ng very human na si Optimus.

Bongga ang eksenang habang nagpapambuno silang dalawa sa ere ay sumalpok sila sa isang building at tumagos sa kabilang dulo nito.

Kung bitin kayo sa aksyon sa ibang pelikula, dito sa Transformers ay magsasawa kayo. Mahigit 40 minuto yata ang walang puknat na sabugan, habulan at umaatikabong bakbakan sa bandang dulo nito.

Dahil si Bay ang direktor nito ay mahabang oras ang inilaan sa hardcore action, na sinimulan ng nakagugulantang na pag-atake sa base militar sa Qatar at nagtapos sa downtown Los Angeles na halos mawasak sa maigting na labanan ng mga robot.

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top