|
|
ENTERTAINMENT
Juday, pinagdamutan ng ABS-CBN Kitang-kita namin ang
sama ng loob ni Judy Ann Santos sa pagtanggi ng ABS-CBN na i-promote
niya ang pelikulang Ouija (ng GMA Films at Viva Films) na
magsisimulang ipalabas sa Hulyo 25. Hindi malaman ng dalawang bida ng pelikula na sina Judy Ann at Jolina Magdangal kung paano magre-react nang i-announce na hindi pumayag ang ABS-CBN na i-promote ang pelikulang nabanggit. Bago pumunta sina Juday at Jolens sa preskon ay hindi sila nasabihan in advance sa desisyon ng nasabing network kahit na namagitan ang Viva Films. Ang tanging nasabi lang ni Juday ay hindi kasi sila katulad nina Piolo Pascual at Regine Velasquez. Noon pa man ay nasabihan na siya ng Star Cinema at ABS-CBN na kapag gumawa siya ng pelikula sa GMA Films ay hindi niya puwedeng i-promote ito sa nasabing network. Pero dahil nakapag-promote sina Piolo at Regine sa GMA 7 ng Paano Kita Iibigin? (joint venture ng Star Cinema at Viva Films), akala ni Juday ay magbabago na ang desisyon ng ABS-CBN. ‘Yun pala ay ganu’n pa rin. Siyempre, masama ang loob ni Juday. Sa tatlong ABS-CBN shows lang naman umaasam ang mga taga-GMA na mai-promote ang Ouija – sa Sharon, Boy and Kris at The Buzz – pero ipinagdamot iyon ng ABS-CBN. Ang masakit pa ay nanggaling din naman si Jolens sa ABS-CBN, tapos, hindi man lang mapagbigyan. Napaka-one-sided naman yata, gayu’ng napagbigyan ng GMA 7 sina Piolo at Regine. *** Kababalik lang ni Jolens mula sa ibang bansa kaya may jetlag pa ito at mukhang disappointed din sa hindi magandang balitang natanggap niya sa preskon ng Ouija. Gayunpaman ay wala raw siyang magawa at desisyon iyon ng network na pinanggalingan niya. Nandito pa sa Pilipinas ang boyfriend ni Jolens na hindi nagtagumpay sa posisyong inasam noong eleksyon. Walang balak si Bebong Muñoz na bumalik sa Amerika. Mananatili siya rito sa Pilipinas. Siguro, may magagandang offer kay Bebong na isang lawyer at accountant. Sa talino niya ay nasisiguro namin na hindi siya mababakante sa Pilipinas. Hindi hadlang si Bebong sa showbiz career ni Jolens, bagkus ay todo suporta ito sa singer/actress. Hindi man aminin ni Jolens pero sa tingin namin ay nagbabalak na silang magpakasal. Nasa edad na si Jolens at successful siya sa propesyong pinasukan. *** Pormal na binuksan ang Barrackz Bar & Restaurant (na pag-aari ng maraming artista na pinangungunahan nina Allan K, Jaya, Diana Zubiri, JC de Vera, Dennis Trillo at Katrina Halili) kamakalawa sa Morato Ave., QC. Huwag na kayong magulat kapag nakita ninyo ang mga artistang ito na abala sa pag-iistima ng mga customer ng Barrackz. Sa gabing iyon ay aba- la sina Allan K, Jaya, Diana Zubiri at JC de Vera sa pag-aasikaso sa mga customer. Hindi sila tumitigil ng pag-iikot sa loob ng bar para masigurado na lahat ng dumating ng gabing iyon ay nasisilbihan nang maayos. Si Brian Martin na ka-batch ni Dennis sa Star Circle 10 ang tumatayong Operations Manager ng Barrackz. *** Dahil ipinalabas noong Linggo ang Kapusolympics ay hindi nailabas ang Mga Kuwento ni Lola Basyang. Bukas ay ipalalabas na ito tampok ang kuwento ng ‘Mahiwagang Balabal’ na pinangungunahan nina JC de Vera, Rhian Ramos at Sherwin Ordoñez.
|
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
||
|
|