|
Maraming OFWs ang nagtatanong kung bakit ginawang mandatory sa kanila ang membership sa Pag-IBIG Fund. Marami sa kanila ang nagtuturing sa Pag-IBIG bilang karagdagang pahirap o pabigat tulad ng mandatory membership sa OWWA at mandatory insurance.
Sa kanyang e-mail, nais malaman ng isang engineer na Pinoy sa Doha, Qatar kung ano ang kapakinabangan para sa kanya ng pagiging miyembro ng Pag-IBIG kung wala naman siyang balak mangutang ng pabahay mula sa nasabing government.
Upang masagot ang samu’t saring mga tanong ng OFWs, bigyang-daan natin sa kolum na ito at sa Huwebes ang mga tanong at sagot patungkol sa OFW membership sa Pag-IBIG.
Lahat ba ng OFWs ay sakop ng mandatory coverage ng RA 9679 (batas kaugnay ng Pag-IBIG)?
Oo. Ayon sa RA 9679 at Implementing Rules and Regulations nito, kailangang magparehistro sa Pag-IBIG ang lahat ng OFWs, maging land-based o sea-based (marino o nagtatrabaho sa loob ng barko) man.
Bakit kasama ang OFWs sa mandatory membership coverage?
Ginawang mandatory ang membership ng OFWs upang mabigyan sila ng pagkakataon na mag-impok at maabot ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling bahay.
Papaano ang proseso sa pagpapa-rehistro para sa mga dati nang miyembro ng Pag-IBIG sa ilalim ng Pag-IBIG Overseas Program (POP)?
Pwedeng bumisita ang OFW sa mga Pag-IBIG Information Desk na nakabase sa Embahada o Konsulado ng Pilipinas upang mag-fill out ng Member’s Data Form (MDF-FPF0909) o Membership Registration Form (MRF-FPF095). Kung nasa Pilipinas siya, maaaring pumunta sa pinakamalapit na opisina.
Maaaring i-download sa website ng Pag-IBIG ang MDF at MRF, sa http://www.pagibigfund.gov.ph/downloadable.aspx.
Kung ang isang dati nang miyembro ay magpapa-rehistro bilang OFW, ano ang mangyayari sa kanyang kontribusyon?
Pagsasamahin ng Pag-IBIG ang lahat ng kanyang kontribusyon pati ang dati na niyang naihulog.
ananatiling nasa pangalan ng miyembro ang kanyang impok, magpalipat-lipat man siya ng kompanya.
Sinisiguro ng Pag-IBIG na ligtas at hindi mawawala ang impok ng miyembro.
Tuloy ang Usapan
Sa Huwebes ay tatalakayin naman natin ang kapakinabangan sa OFWs ng pagiging miyembro ng Pag-IBIG.
Samantala, para sa inyong mga katanungan, komento at pagbati, tumawag lang sa 551-5163 o mag-email sa usapang_ofw@yahoo.com. Mabuhay po tayong lahat! |