|
Bawal nang magdala ang mga mambabatas sa loob ng gusali ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng baril o anumang uri ng deadly weapons.
Ang kautusan ay ipinalabas ng tanggapan ng House Secretary General alinsunod sa Para 1 Section 7 Part 1 of Office Circular No. 01-87 na nilagdaan noon pang Oktubre 7, 1987.
Saludo tayo sa magandang hakbang na ipinatupad na ito ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sabagay para rin sa kaligtasan ng mga miyembro ng Kamara, mga empleyado at mga panauhin ang kautusang ito na sinisimulan nang ipatupad.
Hindi naman talaga magandang pagmasdan sa kahit anumang tanggapan lalo na sa Kamara na nagkalat ang mga mambabatas na may nakasukbit na mga baril sa bewang gayundin ang kanilang sangkaterbang bodyguards.
Hangad nating patas at sinsero itong maipatupad sa Kamara tutal ay nilagdaan na pala ito noon pang 1987 at ang problema lamang ay hindi ito naiimplementa sa hindi natin malamang kadahilanan.
Makakatulong din ang hakbanging ito upang maiwasan na ang paggamit ng armas ng naggigiriang mga mambabatas o kanilang mga bodyguards.
Higit sa lahat ay mawawala na ang angas ng bodyguards ng ilang mambabatas na animo’y sasabak sa giyera ang dating o get-up sa Kamara dahil sa dami ng bitbit na matataas na kalibre ng baril.
|