|
Mistulang sagad hanggang buto ang galit ng dalawang armadong kalalakihan nang asintahin ang mukha ng isang seaman hanggang sa tuluyang mabutas nang pagbabarilin sa lungsod Quezon kahapon.
Duguang humandusay at wala nang buhay nang matagpuan ang biktimang si Jose Basco, 54-anyos, ng #05 Bonifacio St., Barangay Bagong Silangan, ng nasabing lungsod.
Isang punglo lamang ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril na tagus-tagusan sa mukha ng biktima ang naging sanhi ng kagyat nitong kamatayan.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman ni PO3 Eden Pascua ng Talipapa Police Station 3 ng Quezon City Police District (QCPD) at, mayhawak ng kaso, ang dalawang suspek umano ay naka-jacket, isa umano ay kulay berde at ang isa pa ay puting jacket at kapwa naka-maong pants.
Sa nakarating na report sa Camp Karingal, ang insidente ay naganap sa mismong harapan ng bahay ng biktima bandang alas-9:00 kahapon ng umaga.
Nabatid na bago umano naganap ang pamamaril ay nakatayo ang biktima sa harapan ng kanyang bahay nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang suspek at saka binaril ito sa mukha ng isa sa kanila.
Matapos umano ang pamamaril ay nilapitan pa ang biktima ng mga salarin at nang masigurong hindi na humihinga ay saka tumakas sakay ng isang walang plakang motorsiklo.
Dahil sa istilo ng pagpaslang, naniniwala ang QCPD na hired killer ang dalawang suspek.
Gayunman, magsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo ng nasabing krimen. |