|
“Bandang 2:30 kaninang madaling-araw (oras sa Libya) nag-fire ang lahat ng mga anti-aircraft for almost 30 minutes, non-stop na firing iyon, dahil may pumasok na eroplano. Tinira iyon, kaya maraming pagsabog na naganap, pero hindi namin alam ang location.”
Kuwento ito ni Father Allan Acebuche, paring Pinoy na nakabase sa Tripoli, Libya, habang kinakapanayam sa radyo kaugnay ng naganap na pag-atake ng allied forces sa puwersa ni Libyan leader Moammar Gadhafi.
Hindi umano nakatulog sa magdamag na putukan ang tinatayang nasa 2,000 Filipino na nakabase sa Tripoli bunsod ng pag-atake ng allied forces.
Gayunman, tiniyak naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na “coordinated” ang nasabing pambobomba, kung saan pangunahing target ng missile attacks ay ang mga military installations ng Gadhafi forces.
“There have been missile strikes in other places of Libya, but these strikes, undertaken by certain countries under the UN (United Nations) mandate, are meant to target military objectives.
These are not targeting civilian population, so we think that our Filipinos in many parts of Libya, including in Benghazi, they ought to be safe,” ani DFA spokesman Atty. Ed Malaya.
Idinagdag pa ni Malaya na may mangilan-ngilang Pinoy pa ang nasa Benghazi na sentro ngayon ng kaguluhan kaya patuloy umano ang pagtutok ng embassy officials para masiguro ang kaligtasan ng mga naiwang Pinoy sa rehiyon.
2,000 OFWS
PINASUSUNDO NA
Nabatid naman na pinasusundo na ng gobyerno ng Pilipinas sa pangunguna ng DFA ang tinatayang nasa 2,000 pang Pinoy na nasa Libya bunsod ng tuluy-tuloy na pag-atake ng allied forces.
Kasunod ng isinagawang pulong ng mga opisyal ng DFA, inatasan ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario si Undersecretary Ricardo Endaya na sunduin na ang mga Pinoy na nananatili pa rin sa naturang bansa sa lalong madaling panahon.
Bahagi ng ikinasang plano ay ang pagpunta sa Benghazi ni Endaya para hintayin ang tinatayang 2,000 OFWs na nais nang umalis ng Libya.
Napag-alamang ilang OFW ang naunang tumangging umuwi ng bansa dahil tinaasan ang kanilang mga sweldo ngunit matapos magdeklara ang UN na maaari nang sumalakay sa Libya ang international forces ay sila mismo ang humingi ng tulong sa embahada ng Pilipinas para makauwi na.
Kaugnay nito, nanawagan ang DFA sa mga Pinoy sa Libya na nais nang umuwi na magtungo sa Philippine Community School sa Benghazi kung saan sila susunduin ng mga opisyal ng embahada para dalhin sa border ng Libya at isakay ng chartered flights pabalik ng Pilipinas. |