|
Pinag-aaralan umano ngayon ng transport group na 1-UTAK ang pagsasampa ng panibagong petisyon para sa P4.00 na provisional fare increase sa mga pampasaherong jeep.
Kapag pumayag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa nasabing halaga, aabot na sa P12.00 ang magiging pamasahe sa jeep sa unang apat na kilometro.
Ayon kay 1-UTAK Chairman Vigor Mendoza, ito ay sanhi ng inaasahan nilang pagbagsak ng passenger load sa jeepney dahil na rin sa panahon ng bakasyon kasabay pa ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petroleum products lalo na ang diesel na pangunahing gamit ng mga jeep.
Base umano sa kanilang pag-aaral, kapag bakasyon ay halos P700 ang nawawala sa kita ng mga jeepney driver sa bawat araw, hindi pa kasama rito ang dagdag sa kanilang gastos sa mataas na presyo ng diesel.
Nilinaw din ni Mendoza na kung papayagan ang provisional fare hike ay iiral lamang ito sa loob ng tatlong buwan sa panahon ng bakasyon ng mga estudyante at automatic na magkakaroon din ng provisional fare decrease oras na magsimula na ang pasukan ng klase.
Nakakasa na umano ang kanilang provisional increase at anumang oras ay isasampa nila ito sa LTFRB kung hindi sila tutulungan ng gobyerno sa hirap na patuloy na dinaranas ng transport sector dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
|