|
Dismayado ang consular team na nagsadya sa Fukushima, Japan para ilikas ang mga Pinoy sa nasabing lugar sa posibleng epekto ng radiation ng mga sumambulat na nuclear reactor makaraang hindi sumipot ang karamihan sa mga ito sa itinakdang tagpuan.
Napag-alaman na sa tinatayang 60 Pinoy na tumawag at nagpahayag ng kahandaang mailikas mula sa Fukushima ay 11 lamang sa mga ito ang sumipot sa tagpuan.
“It is unfortunate that despite the fact that we’re informed by our contacts in this area na mayroong mga kababayan tayong naghihintay sa harap ng city hall ng Iwaki, sa ating pagdating at paghintay ay wala po,” ayon kay Vice Consul Christian de Jesus.
Sinabi naman ni Philippine Ambassador to Japan Manolo Lopez na sa kabila ng pangyayari ay nakahanda pa rin ang embahada na magpadala ng mga tauhan at bus para sa mga kababayang nais na lumikas sa harap ng banta ng nuclear plant sa Fukushima.
Sa unang apat na consular mission ng embahada ay nasa 112 Pinoy ang nailikas at kasalukuyang nasa simbahan sa Kichijogi sa Lighthouse Ministry sa Yokohama City at Franciscan Church sa Roponggi sa Tokyo.
Pinakahuling inilikas ng mga tauhan ng embahada kahapon ng umaga ay ang mga Pinoy sa Miyagi at Hokoshima at dinala sa Tokyo.
Samantala, wala pa naman umanong Pinoy sa Japan ang nagpositibo sa radiation.
|