|
Umapela si Pope Benedict XVI sa mga militar at political leaders sa Libya na tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan sa harap ng tumitinding gulo sa nasabing bansa.
Labis na nangangamba ang Santo Papa sa mga kaganapan sa Libya at nananalangin na manaig na ang kapayaan.
“I urgently appeal to political and military leaders to ensure the safety of (Libyan) citizens and guarantee access to humanitarian aid. I am following the events with great concern.
I pray for those who are caught in the dramatic situation of this country (Libya),” panawagan ni Pope Benedict.
Ito ang unang pagkakataon na umapela ang Vatican kaugnay sa nagaganap na tensyon sa Libya.
Samantala, tinatayang nasa 2,000 pang Pinoy na nasa Libya pa ang pinasusundo na ng gobyerno ng Pilipinas sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs (DFA) bunsod ng tuluy-tuloy na pag-atake ng allied forces sa Libya.
Kasunod ang isang pulong ng mga opisyal ng DFA ay inatasan ni DFA Secretary Albert Del Rosario si Foreign Affairs Undersecretary Ricardo Endaya na sunduin na ang mga Pinoy na nananatili pa rin sa naturang bansa sa lalong madaling panahon. |