|
Mahigpit ang bilin ni Azkals coach Hans Michael Weiss sa kanyang tropa -- mag-ingat sa teritoryo ng kalaban.
Susuungin ngayong alas-singko ng hapon ng Philippine football team ang hamon ng host team Myanmar sa pagbubukas ng single round robin AFC Challenge Cup group stage sa Thuwana Stadium sa Rangoon.
“We have to be cautious they have a home game,” anang German coach.
“They have prepared very intensively.
We want to show and give them the right answer so the mentality will be very good.”
Makakabangga rin ng PHL booters ang Palestine sa Miyerkules at Bangladesh sa Biyernes.
“The next few days will charter path of Philippine football determine whether or not we have another tournament to play in next year. It will also give us a feel if we are ready for the World Cup qualifiers,” ani PFF team manager Dan Palami.
Dumating ang bulto ng Azkals sa Rangoon kamakalawa, kahapon nakalapag sa Myanmar ang mga nagbabalik-aksyon na sina 6-foot-3 Fil-Brit goal keeper Neil Etheridge at Fil-German Rob Gier gayundin ang magde-debut sa team na si Patrick Hinrichsen.
Ang isa pang dagdag puwersang si Fil-Dane Jerry Lucena, na naglaro sa Danish First Division league, ay susunod sa team bukas at sasabak laban sa Palestine.
Wala sa lineup ng tropa si striker Phil Younghusband dahil sa natamong right hamstring injury sa Mongolia ngunit inaasahang mapupunan ito sa pagpasok nina 6-foot-3 Fil-Spanish attacker Angel Aldeguer, Fil-German William Guerridon-Espinosa, Yannick Tuason, David Basa at Ricardo Becite. Bukod pa ito sa mga dati nang maaasahang sina James Younghusband, Ian Araneta, Anton Del Rosario, skipper Aly Borromeo, Simon Greatwich, Jason Sabio at Chieffy Caligdong.
Samantala, hindi pa napaplantsa ng ABS-CBN ang kanilang hiling sa Myanmar government na mai-telecast ng live ang laro.
Hindi pinayagan ng military-controlled Myanmar ang Kapamilya network na magdala ng TV camera para sa coverage.
Sinabi ng ABS-CBN na kung hindi man sila makakapag-broadcast ng live ay kukuha na lamang ng tape ng laban at agad ipapalabas sa Studio 23. |