Lumalabas sa mga pahayag ni dating Philippine National Police (PNP) Comptroller Eliseo dela Paz sa imbestigasyon ng House committee on public order and safety na may ‘grand cover-up’ sa hanay ng PNP para pagtakpan ang iba pang matataas na opisyal ng kapulisan na sangkot sa ‘euro scandal’.
“What else can I say, nagsisinungaling siya (Dela Paz) at obvious na may cover-up silang ginagawa,” ayon sa pananaw ni Bayan Muna party-list Rep. Teodoro Casiño.
Sinabi naman ni Muntinlupa Rep. Rufino Biazon na lalo lamang pinapalalim ni Dela Paz ang paghuhukay ng butas para lalo siyang madiin sa kontrobersyang kinasasangkutan dahil sa paggiit ng right to self-incrimination.
Samantala, sa patuloy na paggisa kay Dela Paz, inamin ni PNP chief Director General Jesus Verzosa na hindi niya inutusan si Dela Paz na bumili ng intelligence equipment nang dumalo sa Interpol conference sa Russia.
Ayon kay Dela Paz, ang dala nitong pera ay contingency fund na kapag hindi nagastos ay ibibili ng intelligence equipment bagay na hindi napaniwalaan ni La Union Rep. Thomas Dumpit.
Ayon kay Dumpit, dating Intelligence officer ng Presidential Security Group (PSG), noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, malabo aniyang galing sa Pilipinas ang perang nahuli kay Dela Paz dahil walang euros sa bansa.
|