Inararo ng saksak bago pinagnakawan ang isang 86-anyos na lola habang natutulog sa kanyang kuwarto kahapon ng umaga sa San Andres Bukid, Maynila.
Hinihinalang ilang oras nang patay bago nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Almodina de Ocampo, retired cashier, ng 2319 Zapiro St., San Andres Bukid, Maynila na nagtamo ng walong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang inaalam ng awtoridad ang posibleng pagkakakilanlan ng suspek na hinihinalang nasa impluwensya ng droga nang isagawa ang krimen.
Ayon kay SPO2 Paul Dennis Javier ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, alas-siyete ng umaga nang madiskubre ni Alice de Ocampo, anak ng biktima, ang bangkay ng ina sa mezzanine floor ng kanilang bahay.
Nabatid kay Alice na paggising niya ay dumeretso siya sa comfort room ng kanilang bahay at dito’y napansin na bukas ang ilaw ng kuwarto ng ina kaya’t kanya itong pinuntahan kung saan bumulaga sa kanya ang duguang ina.
Nagkalat umano ang mga gamit sa kuwarto ng ina at nawawala ang ilang mamahaling alahas tulad ng kuwintas, hikaw, bracelet, cash na P2,000 at mga identification cards (ID).
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na puwersahang sinira ng hindi nakikilalang suspek ang padlock sa likurang bahagi ng bahay ng biktima na pinaniniwalaang dinaanan ng suspek bago tuluyang nakapasok sa kuwarto ng biktima.
|