GANADO sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa pag-iikot sa mga sinehan nang magbukas ang pelikulang One True Love kahapon.
Nakunan ng Startalk ang theater tour nila sa SM Megamall at SM North EDSA, at mainit ang pagtanggap ng fans sa kanilang dalawa. 
Sa hapon pa lang ay naramdaman mo nang malakas ang pelikula pero hindi pa ako makapagbigay ng eksaktong figures ng kinita nito sa first day.
Maaga pa raw para matantiya kung nakamagkano ito sa unang araw.
Ang mahalaga, masaya sila at maganda ang feedback sa kanilang pelikula.
May mga ilang puna akong naririnig mula sa nakapanood ng naturang pelikula, pero hindi raw maiiwasan iyun.
Basta, hindi naman daw pangit ang pelikula at pinuri ang epektibong pagganap nina Dingdong, Marian at Iza Calzado.
May nag-text din galing sa isang booker na okay ang mga unang screening ng pelikula, at inaasahan na mas hahataw ito pagdating ng gabi dahil pang-night crowd ang ganitong klase ng pelikula.
Nakatanggap ako ng text ni Dingdong na ipinasa ni Mell Navarro, “I was holding back my tears of joy as I was seeing how many people were in the theaters this afternoon. Hanep!”
***
Iniiwasan nang magkomento ni Sunshine Cruz tungkol sa pag-akyat ng kasong libel na isinampa niya sa kapatid ni Cesar Montano na si Mercedes Manhilot.
Na-drop naman ang kasong libel niya sa Abante columnist na si Jojo Gabinete.
Nag-prosper itong kay Mercedes kaya pinapagpiyansa raw ito ng P10,000.
Nasa Italy si Mercedes kaya hindi natin alam kung ano ang kahihinatnan ng kasong ito.
Gusto man ni Sunshine na magsalita, pinili niyang manahimik. Ang iniisip daw niya ay ang asawa niyang naiipit sa gulong ito. Para hindi na lumala, minabuti niyang manahimik na lang.
Si Cesar ay ginusto na ring manahimik pagdating sa kalagayan nilang mag-asawa pero mismong mga malalapit nilang kaibigan ang nagsasabing okay na silang mag-asawa.
Maraming nakapansin sa kanila sa binyag ng anak ni Bayani Agbayani na sweet silang mag-asawa at okay na nga sila.
Ang pagkakaalam ko ay magkasama sila ngayon sa Bohol.
***
May ilang events sa Quezon City na dinadaluhan ni Alfred Vargas kaya mukhang itutuloy na niya ang pagpasok sa pulitika.
Madalas na involved si Alfred sa mga proyekto ni Cong. Susano kaya baka magkatiket sila ng huli na balak daw tumakbong mayor ng Quezon City.
Matagal nang nililigawan si Alfred na pasukin ang pulitika, at mukhang nakumbinse na ito dahil ginu-groom na itong tumakbong konsehal ng 2nd district ng QC.
Hindi lang sa Quezon City, kundi pati sa Bulacan ay hinihimok din ang aktor, pero medyo mainit daw roon dahil matindi ang labanan ng mga pamilyang nasa pulitika.
Aktibo rin siya sa ilang proyekto sa Bulacan dahil may farm siya roon na unti-unti na niyang napapakinabangan.
Ayaw pang kumpirmahin ni Alfred ang pagtakbo niya sa 2010 elections, dahil matagal pa ito.
Kung matutuloy, malamang na magkalaban sila ni Ara Mina na may balak din daw tumakbo sa partido ng kanyang ama na kalaban ng partido ni Cong. Susano.
|