SIYA ang itinuturing na bad boy ng Chalam, ang katribong tila walang puso na gagawin ang lahat, manalo lang sa Survivor Philippines.
Hinahangaan ng ilan at kinasusuklaman ng karamihan, si Marlon Carmen ang Castaway na maglalaro kahit sa masama o maruming paraan.
Wala siyang pakialam kung mayroon siyang masasaktan o matapakan, mailigtas lang ang sarili sa tanggalan.
Nakahanap ng katapat ang tusong waiter sa kanilang ikasampung Immunity Challenge.
Sa hirap ng pagsubok na pinagdaanan, napahagulgol si Marlon.
Ito ba ang tunay na Marlon o isa na naman itong pakana para manatili siya sa isla?
Karma na nga ba ang Immunity Challenge na lubos na nagpahirap sa kanya?
Ngayong pito na lang ang Castaways ng Survivor Philippines, lalong tumitindi ang kumpetisyon.
Sino ang matitirang matibay?
***
Survivor Family vs Tiu Family, maghaharap sa Family Feud ngayong Huwebes bago mag-24 Oras sa GMA 7!
Matinding labanan ang mapapanood sa pagitan ng pamilya ng Kapuso hosts na sina Paolo Bediones at Chris Tiu.
Kabilang sa Survivor Family sina Paolo Bediones, Nikki Dacullo, Kiko Rustia at Niña Ortiz.
Nasa Tiu Family naman sina Chris Tiu, Beverly Tiu, Leslie Yap at Jedric Lim.
Sino kaya sa pamilya ng dalawang hosts ang hihiranging champion?
***
Nagsimula na ang Cinema One Originals Film Festival sa iba’t ibang campus.
Mapapanood na ang pitong independent digital films hanggang sa Martes (Nobyembre 25).
Mapapanood ngayong Huwebes sa UP Film Institute (UP Diliman, QC) ang UPCAT (5:00 PM), Dose (7:00 PM) at Imburnal (9:00 PM).
Sa direksyon ni Roman Olives, ang UPCAT ay coming-of-age light melodrama.
Kasama sa pelikula sina Felix Roco, Joseph Roble, Hiyasmien Neri, Mark Gil, Bembol Roco, Malou Crisologo at Richard Quan.
Ang kakaibang pagkakaibigan sa pagitan ng isang 12 anyos na bading at isang hardinero ang kuwento ng Dose.
Sinulat at dinerehe ito ni Senedy Que, at kasama sa cast sina Yul Servo, Emilio Garcia, Irma Adlawan, Fritz Chavez at Alesandra de Rossi.
Ang Imburnal ay nagpapakita ng pagbibinata ng dalawang bata.
Kasama sa cast sina Brian Monterola, Jelieta Mariveles-Ruca, Allen Lumanog, Lawrence Garrido, Elvis Zerna, Dianne Zipagan, Maricel Rosello, Carmela de Guzman at Reyson Yap, sa direksyon ni Sherad Anthony Sanchez.
***
Handog ng HERO TV (Filipino-dubbed anime cable channel, Sky Cable Channel 44) ang HATAW! HANEP! HERO -- The Amped Edition bukas (Biyernes) nang 6:00 PM at sa Sabado nang 10:00 AM sa Silver City, Frontera Verde, Pasig City.
Ito ang pinakamalaking anime, technology at youth fair ng taon. Gaganapin dito ang grand finals ng annual nationwide gaming tournament na AmpedFest kung saan ipamimigay ang P500,000 worth of prizes.
Sa ikaapat na taon ng HATAW! HANEP! HERO magsasama-sama ang libu-libong anime, gaming, technology at cosplay enthusiasts upang magsaya at i-check out ang latest innovations sa industriya.
Kasama sa activities ang cosplay competition, street dance showdown, dubbing contest, manga art exhibits, wall-climbing, face-painting at battle of the bands.
Magpe-perform ang Sponge Cola at Sandwich bukas, at ang Angulo at Sugarfree sa Sabado.
Available ang tickets sa presyong P100 na mabibili sa event venue at lahat ng TicketNet outlets.
Para sa mga katanungan, tumawag sa tel.# 911-5555.