NAKAKATULIG ang tilian ng fans sa premiere night ng One True Love nu’ng Martes sa SM Megamall Cinema 9.
Palakasan ng hiyawan ang kani-kanyang fans ng mga bidang sina Dingdong Dantes, Marian Rivera at Iza Calzado. 
Mukhang in full force na dumating ang mga tagasuporta ni Iza na kumpleto sa props at todo-lakas kung makatili.
Sa istorya, ang doktor na si Migs (Dingdong) ay inlab na inlab sa kasintahan niyang nars na si Joy (Marian), kaya niyaya niya itong pakasal.
Tutol ang nakababatang kapatid ni Migs na si Ava (Bianca King) dahil isang taon pa lang karelasyon ng kuya niya si Joy.
Isa pa ay mas gusto niya para sa kapatid ang childhood sweetheart at first love ni Migs na si Bela (Iza).
Makalipas ang tatlong taong pagtira sa Canada, bumalik ng bansa si Bela nang ibalita ni Ava na ikakasal na si Migs. Mahal pa rin ni Bela ang dating nobyo, na may bago nang minamahal.
Kakakasal lang nila ni Joy ay naaksidente sa motorsiklo si Migs at nabagok ang ulo. Nagkaroon siya ng isolated retrograde amnesia.
Nang magkamalay siya sa ospital, naaalala niya ang kanyang pamilya at si Bela, pero hindi niya kilala ang asawang si Joy.
Kahit labis na nasasaktan ay sinikap ni Joy na pagsilbihan ang asawa para magbalik ang dati nitong alaala.
Dahil sa kondisyon ni Migs ay nagkaroon ng pagkakataon si Bela na ibalik ang dati nilang relasyon, habang si Joy ay patuloy na nagtitiis at nagdurusa.
Maalala kayang muli ng puso ni Migs ang pag-ibig na nakalimutan ng kanyang isip?
***
Nakakairita ang ingay ng fans habang nanonood ng pelikula.
Bukod sa panay ang hiyawan ay nag-uusap sila nang pasigaw sa loob ng sinehan kaya halos hindi mo maintindihan ang palabas.
Ang lakas ng tilian sa mga eksenang halikan. Sa honeymoon scene nina Dingdong at Marian ay pakyut nilang sinayawan ang isa’t isa bago sila nagtalik sa kama.
Mas mainit ang laplapan nina Dong at Marian nang umuwi sila ng bahay mula sa ospital at akitin ni Joy ang mister na si Migs.
Todo-laplapan din sina Dingdong at Iza. Panalo si Dingdong dahil nagpasasa siya sa mga labi nina Marian at Iza nang bonggang-bongga.
Nangungusap ang mga tinginan at titigan nina Marian at Iza sa mga eksenang wala silang dayalog. Pinalakpakan si Iza sa madamdaming goodbye scene nila ni Dingdong.
Natatawa ang audience sa mga casual plugs (pasimple man o pilit) na isiningit sa pelikula tulad ng PLDT, Sunsilk (kay Marian), Gran Matador, Medicol (kay Dingdong) at Goldilocks.
***
In fairness ay may effort na ilayo ang pelikula mula sa mga ginawa na nina Dingdong at Marian sa telebisyon.
Mature ang tema nito, hindi lang kami sure kung tama ang materyal na napili para sa launching movie ng Dingdong-Marian tandem.
Pagkatapos ng mga bonggang TV projects nila na Marimar at Dyesebel ay natural lang na isang malaking film project din ang ine-expect namin bilang first movie ng dalawa.
Tila masyadong ‘simple’ ang naging dating sa amin ng One True Love bilang unang pagtatambal sa big-screen ng Dingdong-Marian loveteam.
Meron kaming hinahanap na malaking pagkukulang sa script nito (na sinulat nina Irma Dimaranan at Annette Gozon-Abrogar).
Magagaling ang mga artista at ibinuhos nila ang lahat sa role na ibinigay sa kanila. Gusto namin ang pagiging sopistikada ni Iza, pero mas maganda sana kung nakaka-relate din kami sa istorya at nakakasimpatya kami sa karakter ng mga bida.
Unang-una na ay hindi na kapani-paniwala ang mga kuwento na merong may ‘amnesia’.
Pinaglumaan na ng panahon ang temang ‘yon at ginasgas na ng sandamakmak na pelikula, kaya hindi na ito realistic sa panahon ngayon.
|