Humina ang impeachment case laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos mabigo ang oposisyon na maisama sa reklamo ang complaint-in-intervention na may kaugnayan sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD).
Ito ang tila inamin kahapon ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño matapos matalo sa botohan na tuluyang nagbasura sa tatlo pang reklamo laban kay Arroyo na kinabibilangan ng inihain nina Atty. Guillermo Soto, Atty. Oliver Lozano at ng grupo ni Manuel L. Quezon III.
Sa botong 35-4, walang nagawa ang oposisyon nang manaig ang mosyon ni Baguio City Rep. Mauricio Domogan na ibasura ang tatlong idaragdag na reklamo dahil base aniya sa batas, isang beses lamang dapat sampahan ng kaso ang impeachable official na tulad ni Arroyo.
Nanghihinayang ang grupo ni Casiño sa Quezon complaint na may kaugnayan sa MOA-AD sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na idineklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas.
“Sayang, malakas sanang ebidensya ‘yun (Quezon complaint) dahil may desisyon na ang Korte Suprema. Pero hindi isinama. Nadaan kami sa paramihan ng boto,” pahayag ni Casiño.
Kaugnay nito, dismayado ang civil society group sa ginawang pagbasura sa kanilang inahaing motion for intervention.
“Malinaw na hindi nila binasa, malinaw na hindi nila binigyan ng panahon na magbigyan kami ng aming punto. In a case like this, sanay naman tayo dito na ang ordinaryong mamamayan ay nakabusal pagdating sa prosesong pinag-aaralan at kung saan talaga magaling ang mga nag-aaral tungkol dito,” ayon Quezon.
Sinabi naman ni dating Department of Social Welfare secretary Dinky Soliman, na ang pabasura sa motion nila ay hindi nangangahulugan ng kabiguan.
“Hindi ito failure, ito ay tagumpay ng mga nanindigan para ipamukha sa mga mamamayan na nasa kamay natin, wala ito sa kamay ng mga kongresista at mga senador dahil nasa kamay natin sapagkat hindi nila kinakatawan ang ninanais natin ng nakakarami. Kinakatawan lamang ng mga kongresista ng mayorya ang interest ng iilan,” ayon pa kay Soliman.
|