November 20, 2008 Thursday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
Kudeta sa Senado nag-ugat sa pulitika
(Rey Marfil/Boyet Jadulco)
 

Walang pinagsisihan at walang sinisisi si Sen. Manny Villar sa pagkakaalis sa kanya bilang Pangulo ng Senado kasabay ang pag-amin na pulitika ang naging ugat nito.
“Wala akong sama ng loob sa nangyari. Kapag wala ka nang suporta ng mayorya, dapat ka nang magbitiw. Napakapangit naman kung ‘di ka magbibitiw kung ayaw na ng mga kasama mo sa iyo,” sabi ni Villar.
Pulitika ang itinuturo ni Villar na siyang nagtulak para maalis siya sa pwesto. Aniya, ito ay hindi kagulat-gulat. Dahil ang Senado naman ay isang institusyong pulitikal at marami sa mga miyembro ng Senado ngayon ay may planong tumakbo sa pagka-presidente sa 2010.
Idinagdag pa niyang maaaring naging dahilan din ang patuloy na pagtaas ng kanyang ratings sa mga presidential survey upang maging target siya ng intriga.
Nang matanong kung inaasahan niya ang pangyayaring ito, sinabi ni Villar na mula pa nang maupo siya bilang Senate President mahigit dalawang taon na ang nakalilipas, hindi tumitigil ang mga kaaway niya sa pulitika upang mapababa siya.
Sinabi rin ni Villar na masaya siya at nabigyan ng pagkakataon na paglingkuran ang publiko bilang lider ng Senado at ipinagmalaking nakapagtala ng record-breaking achievement ang Senado sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Samantala, nilinis naman ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pangalan ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada bilang mastermind sa kudeta sa Senado.
Ayon kay Enrile, chairman emeritus ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni Estrada, walang kinala­man ang ama ni Senate pro-tempore Jinggoy Estrada sa kudetang ini­lunsad laban kay Villar noong Lunes.
“Maybe only to the extent of participation of Jinggoy. To be fair to them, he (Erap) has nothing to do with this effort. I can assure you that he has no hand in this issue. Malacañang has no hand in the changes in the Senate. The only hands involved were those who voted me into the position. It was an internal effort of the Senate,” ani Enrile.
Kasabay nito, itinanggi rin ng batang Estrada ang balitang nautusan siya ng kanyang ama para isulong ang kudeta laban kay Villar.
Ayon kay Sen. Estrada, walang katotohanan ang lumabas na balita sa isang pahayagan na ang kanyang ama ang utak ng kudeta sa Senado at kinasangkapan siya nito upang mapatalsik sa puwesto si Villar.
“Sarili kong desisyon iyon,” pagdidiin ng senador.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES