Kung inakala ni dating Department of Agriculture (DA) Undersecretary (Usec) Jocelyn ‘Jocjoc’ Bolante na makakapagpahinga na ito sa fertilizer probe dahil sa pagbabago ng Senate leadership, ito’y namali ng prediksyon dahil muli itong nakaiskedyul isalang sa hot seat ngayong Nobyembre 25.
Mismong si Senate President Juan Ponce Enrile na itinuturing na kaalyado ng administrasyong Arroyo ang nagbigay ng direktibang ipagpatuloy ang fertilizer probe at pagsasalang kay Bolante sa hot seat ng Senate blue ribbon committee.
Taliwas sa mga naunang akusasyong kakampi ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at kontra sa legalidad ng arrest warrant kay Bolante, ibang Enrile ngayon ang nagsasalita sa publiko kung saan direktang inutusan ang blue ribbon committee para isalang sa hot seat ang arkitekto sa pagda-divert ng multi-bilyon pisong pondo sa abono.
Dahil wala pang malinaw na partehan ng committee chairmanship, pansamantalang ipinaubaya ni Enrile kay Sen.
Alan Peter Cayetano, dating chairman ng blue ribbon committee ang fertilizer probe, alinsunod sa motion ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero III, vice chairman ng komite.
Si Sen. Richard ‘Dick’ Gordon ang maugong na papalit kay Cayetano sa blue ribbon at inaasahang magkakalinaw lamang ang hatian sa kapangyarihan o reorganisasyon sa Nobyembre 24.
“It will continue. Kinausap ako ni Cayetano na he will send invitations to some people. By all means go ahead,” ani Enrile.
Samantala, bigo pa rin ang Senado na mahanap ang kinita ni Bolante mula sa P728-milyong fertilizer fund scam.
Isang buwan matapos na sumulat sa mga ahensiya sa Estados Unidos, wala pa ring natatanggap na sagot si Sen. Mar Roxas sa kanyang paghahanap ng hidden account ni Bolante sa US.
“Wala pa rin silang sagot hanggang ngayon,” malungkot na pahayag ni Roxas sa Abante TONITE.
Ipinahanap ng senador ang perang kinita ni Bolante sa fertilizer fund scam dahil na rin sa kanyang paniniwala na wala nang laman ang mga bank account na ipina-freeze ng Makati Regional Trial Court.
“Wala nang laman ‘yung accounts niya dito kaya sa US natin pinahahanap,” paliwanag pa ni Roxas.
|