Kung napanggigilan ng husto sa Senado si Jocjoc Bolante, sa Kongreso ay mistulang kinasabikan naman ito.
Parang regular na bisita na matagal na hindi nakadalaw sa Kamara si Jocjoc kaya ganun na lang ang kamay, bati, kaway at kindat na ginawa nito sa mga kongresista.
Kaya naman walang kakaba-kabang pinagsasagot ni Bolante ang lahat ng mga akusasyon at tanong sa kanya na para bang siya ay nasa bahay lang.
Kaya’t ang resulta, sa dalawang nakalipas na hearing, para itong mahusay na mandirigma na taas noo at labas ang dibdib na nagpasuko sa mga nagmukhang amateur na mga senador at kongresista.
Parang nakikini-kinita ko kung sino ang makalawang beses nang tumawag kay Jocjoc para batiin ito ng “Congratulations, job well done.”
Hindi naman tayo nagkulang ng paalala sa mga senador at kongresista na maghinay-hinay kay Jocjoc dahil baka lumitaw lang sa huli na siya’y walang kasalanan at puro hinala lang tayo.
Ganun na nga ang nangyari. Alam ba ninyo kung ano ang matapang na salita ngayon ni Jocjoc? Biktima raw siya ng kasinungalingan at “misinformation”.
“I, my superiors and even certain members of this august body, are victims of these lies and misinformation, and I feel that it is my duty to speak the truth and tell the world what is true and what is false.”
Kawawa naman pala itong si Jocjoc... nabiktima ng 80 milyong mapaghinalang Filipino.
***
Pero sa isang kongresistang nagtanong kay Bolante sa House hearing ay parang bigla itong binolate.
Sa mga tanong ni Congressman Antonio del Rosario ng Capiz, nagmistulang bolateng binudburan ng asin itong si Jocjoc.
Ayon po kasi kay Cong. Del Rosario, noong siya ay mayor ng Roxas City, inalok siya ng 30 porsyento ng mga tauhan ni Bolante tanggapin lang ang fertilizer fund.
Ilang miyembro ng Congressional Staff Association (CONSA) o samahan ng mga empleyado ng mga kongresista, ang nakausap ko na nagkumpirma ng ganitong modus ng mga tauhan noon ni Bolante.
Lalapitan si congressman o kaya ay ang staff nito, aalukin ng 30-40% na komisyon pirmahan lang ang plakado ng “request form” para sa fertilizer fund.
Karamihan daw sa mga dumagsang may dalang “request form” para sa fertilizer ng panahong ‘yun sa Batasan, ay mga supplier ng fertilizer.
Tinanggihan ng mga nakausap kong miyembro ng CONSA at ng kanilang boss ang nakapaglalaway na komisyon dahil nakokonsensya.
Kaya lang, maliwanag na mas marami ang walang konsensya.
***
Malaki ang maitutulong para madale si Bolante ng mga empleyado ng Kongreso na alam kung paano isinakatuparan ang fertilizer fund scam.
Bukod sa mga opisyal at miyembro ng CONSA, puwede ring hingan ng impormasyon ang mga supplier ng fertilizer.
Ang mga request form na isinumite sa Department of Agriculture ay maaaring makapagbigay din ng ebidensya na ito ay gawa ng sindikato.
Kung may magsasalitang empleyado ng Kongreso... hindi siguro malayong may magsalita ring kongresista na aamin at magpapaliwanag kung paano dinaya ang mga magsasaka.
Mayroong mga kongresistang umamin na sila’y nakatanggap ng fertilizer, mayroon ding tumanggi, bagama’t nasa listahan.
Kahit suntok sa buwan... wala kayang kongresistang aamin at tatayong state witness laban kay Jocjoc?
gerrybaja@yahoo.com.
|