Mahal naming Senador Chiz,
Ako po ay masugid na tagasubaybay ng iyong pitak sa Abante Tonite. Ako ay may paupahan na isang commercial/residential space na nasa lupang may sukat na 197 metro-kwadrado. Sa kasalukuyan, ang upa ay nasa P15,000 kada buwan at may term of contract na every 5 years. Ito ay mag-e-expire sa Dec. 31, 2008. May karapatan ba ako na taasan ko ang renta nito mula sa P15,000 sa halagang P20,000 na may dagdag na P1,000 o sa 10 % increase kada taon within the 5 years contract? Ito ba ay legal at naaayon sa batas sa pagpapaupa? Sana ay matulungan ninyo ako at maraming-maraming salamat po.
Lubos na gumagalang,
Gng. Vicky C. de Guzman
43-A G. del Rosario St., Taytay, Rizal
Dear Vicky,
Ang isang lease contract, gaya ng ibang kontrata, ay ang batas sa pagitan ng dalawang partido. Sa kahit na anong kontrata, ang contracting parties ay maaaring maglagay o gumawa ng mga stipulations, clauses, terms and conditions na sa tingin nila ay nararapat at akma na ilagay, basta’t hindi ito lumalabag sa batas, moral, good customs, kaayusan, polisiyang pampubliko, na kinokonsidera (deemed) na nasusulat na sa bawat kontrata.
Kaya, importante rin na tandaan, na ang batas na may sakop sa pagpaparenta ng partikular na residential units ay ang Republic Act No. 9341 o siyang tinatawag na “Rent Control Act of 2005”, na naging epektibo noong taong 2005 hanggang December 31, 2008. Isinasaad ng R.A. 9341 na:
“The rent of any residential unit covered by this Act shall not be increased by more than ten percent (10%) annually as long as the unit is occupied by the same lessee.”
Subalit, ang sakop lamang ng R.A. 9341 ay ang mga units na nasa National Capital Region at iba pang highly-urbanized cities at ang suma ng buwanang renta sa kada unit ay hindi lalagpas sa P10,000.00 at lahat ng residential units sa iba pang lugar ay dapat na may sumang buwanang renta na hindi lalagpas sa P5,000.00 magmula sa araw ng effectivity ng batas na ito.
Dahil dito, malinaw na ang unit na pinapaupahan mo sa halagang P15,000.00 ay hindi covered o sakop ng limitasyong ibinigay ng RA 9341. Dahil din dito, maaari kang magtaas ng upa at hindi ito labag sa RA 9341.
Sumasainyo,
Senator Francis “Chiz” Escudero
|