Ilang araw pa lamang ang nakakalipas mula nang magpalit ng liderato ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay may namumuo nang iringan sa mga mambabatas.
Pangunahing isyu ay ang hatian ng pamumunuang komite ng mga senador.
Sabagay, inaasahan na natin na hahantong ito sa ganitong senaryo dahil sa tuwing magpapalit ang pinuno ng anumang kapulungan ng Kongreso, nangyayari talaga ang balasahan.
Pero nakakalungkot panoorin ang nangyayari sa Senado dahil mistulang nagpapakita na talaga ng tunay na kulay ang ilang senador na ating tinitingala.
Hindi porke sila ang nagluklok sa liderato kay Senate President Juan Ponce Enrile ay mananaig na ang anumang kagustuhan nila o komiteng nais pamunuan.
Dapat ay maging parehas ang mga senador lalo na ang mga nasa oposisyon na inaasahang boses ng masa sa Senado kaya¢t naluklok sa kapangyarihan.
Sa panig naman ng bagong lider ng Senado, huwag sana itong magpadala sa dikta ng mga nagluklok sa kanya sa liderato pagdating sa pagdedesisyon sa anumang bagay upang sa gayun ay totohanang pagseserbisyo sa publiko ang kanilang mailatag at hindi dahil tumatanaw lamang ito ng utang na loob sa mga sumuporta sa kanya.
|