Mga laro ngayon:
(JRU gym)
2:00 p.m. – Harbour Center vs. Magnolia (m)
4:00 p.m. – Toyota Otis vs. Bacchus (m)
Laro sa Sabado:
(Ynares Sports Center, Pasig)
6:00 p.m. – Smart-UP vs. Muscle Tape-Lyceum (w)
Mainit na sinimulan ng Ever Bilena ang kampanyang muling masungkit ang kampeonato nang sawatain ang pag-aaklas ng Muscle Tape-Lyceum sa fourth quarter at itakas ang kapana-panabik na 66-62 win sa Women’s Philippine Basketball League kamakalawa sa Ynares Sports Center sa Pasig.
Nalimitahan sa 14 points sa payoff period ang Gandang Pinay ni dating PBL chairman Dioceldo Sy pero ang naipundar nilang 14 na puntos ding kalamangan na tiniyagang ipundar nina Marichu Bacaro, Aiumi Ono at Remia Buenacosa ay hindi kinayang habulin ng Lady Pirates.
“It was a scary win but we have to take it no matter how it was achieved. A win is a win,” ani dating UP star Patrick Aquino. “I lost my big players that’s why nakalapit ang kalaban.”
Papasok ng huling 10 minuto ay mukhang madaling ididispatsa ng Gandang Pinay ang kalaban dahil sa malaking 52-38 kalamabangan. Kaya lang ay biglang umatake ang Lady Pirates ni Chito Narvasa sa pagsisimula ng fourth na ikinagulat ng Ever Bilena.
Dumikit ang Lady Pirates pero kinapos na sa oras ang paghahabol kaya natikman ang ikalawang dikit na pagyuko. Walang laro ngayon ang WPBL, pero muling sasabak ang Muscle Tape-Lyceum kontra Smart-UP sa Sabado, 6pm, sa Ynares Sports Center sa Pasig.
Samantala, magkakasubukan naman ngayong 2pm sa JRU gym ang six-peat seeking Harbour Centre at Magnolia Purewater, bago ang laro ng Toyota Otis at Bacchus sa 4 pm.
Parehong may 2-0 win-loss record ang Batang Pier at Wizards at sosyo sa tuktok ng standings ng PBL PG Flex Linoleum Cup.
|