Sa nalalabing 18 araw bago tuluyang sumambulat ang “Dream Match” sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas … nasa itinuturing na krusyal at pinakamahirap na bahagi ng paghahanda na si Filipino ring icon Manny Pacquiao laban kay Oscar De La Hoya.
Mismong si Pacquiao ang naghayag na itinuturing na pinakamahirap ang linggong ito, dahil nakatakda nang dagdagan ang bilang ng kanyang isparing sa tatlong magkakahiwalay na boksingero.
“Itong linggo ang tinuturing na pinakamahirap dahil ditto ako magi-ispar ng 12 rounds kontra sa tatlong boxers,” lahad niya sa kanyang pitak.
Noong Martes (Miyerkules sa Manila) balik sa seryosong ensayo ang Pambansang Kamao, nang umispar ito ng sampung round, isang araw matapos ang kanyang ginanap na media day.
Ito ang unang pagkakataon na sasabak si Pacquiao, na siya ring reigning WBC lightweight champion, sa 147-lbs division.
Bagamat isang non-title bout ang magaganap, itinakda ito sa loob ng 12-round.
Kung papalaring laban kay De La Hoya, wala na umanong balak si Pacquiao na kumampanya sa 135-lbs lbs, bagkus ay bibitiwan na lang ang titulo at magpopokus sa 140-lbs.
Ayon kay Pacquiao, maayos ang kanyang kundisyon at hindi na magtatagal at magkakaalaman na kung sino sa kanila ni De La Hoya ang mas handa sa digmaan.
|