Laro bukas:
(The Arena, San Juan)
2:00 p.m. - Adamson vs UST
4:00 p.m. - La Salle vs San Sebastian
Sa pagkakapantay-pantay ng lakas, lalim ng bench at husay ng apat na contenders sa Final Four ng Shakey’s V-League 5 second conference bukas sa The Arena sa San Juan City, nakasalalay na lamang sa execution at determinasyon ang magiging kampanya ng bawat isa para makatuntong sa kampeonato.
Nais ng kapwa three-time champions UST Tigresses at La Salle Lady Archers na makasungkit pa ng isang korona ngunit hindi naman papayag ang first conference titlists Adamson Lady Falcons at 4-time NCAA winners San Sebastian Lady Stags na muling magreyna ang naunang dalawang koponan.
Sa pagwawakas ng elims, si UST hitter Venus Bernal ang naging top scorer sa naipong 113 points mula sa spikes, blocks at serves habang nasa likuran si SSC player Laurence Ann Latigay (110), La Salle star Jacqueline Alarca (106) at si Adamson scorer Angela Benting (102).
Si Adamson alumna Janet Serafica ang best setter sa average na 17.15 running at still sets, at umaasang masusustena ito laban sa Tigresses. Panlaban din ng Lady Falcons ang kanilang magandang digging at reception na mula kay Lizlee Ann Gata habang sa service ay eksperto si Janet Serafica.
Atake naman ang alas ng UST sa pangunguna ni guest player Mary Jean Balse, ang No. 2 sa likuran ni SSC spiker Rysabelle Devanadera.
|