Hanggang sa press release lamang madaldal ang isang bagitong kongresista dahil kapag iinterbyuhin na ito ng live ay umaatras na tila takot na takot na mabuko na pawang kinopya lamang ang kanyang santambak na panukalang batas.
Ito ang natuklasan ng DPA ng TONITE nang tangkain ng isang kilalang radio station ang mambabatas na interbyuhin ng live matapos itong maghain ng isang panukala na may kaugnayan sa usapin ng mga kababaihan.
Unang pumutok ang panukalang ito sa Senado subalit muling ihinain ng bagitong kongresista para magkaroon ng counterpart measures sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Dahil maganda ang panukala, tinawagan ng isang radio commentator ang mambabatas para interbyuhin sa kanyang programa subalit hindi nito sinasagot ang kanyang cellphone.
Nang padalhan ng text message para ipaalam ang layon ng pagtawag sa kanya, sumagot ang isang staff gamit ang telepono ng mambabatas na naiwan daw ng kanyang amo ang kanyang cellphone.
Hindi ito pinaniwalaan ng radio anchor dahil imposibleng maiwan ng mambabatas ang kanyang cellphone gayung ito na ang pinaka-importanteng bagay sa isang tao ngayon lalo na sa tulad niyang mambabatas.
Naniniwala ang radio anchor na nagpanggap lamang ang mambabatas na staff upang makaiwas sa live interview dahil marahil ayaw nitong mabuko na kinopya lamang ang kanyang panukala.
Kung hindi lamang sa text at phone interview, malamang na nasawapawan ng mambabatas na ito si House Speaker Prospero Nograles Jr., sa dami ng storyang lumalabas.
Clue: Ang mambabatas na ito mayroong kaanak sa Senado subalit ang malas lamang niya ay nasuya na sa kanya ang mga mamamahayag sa dami ng kanyang press release. May letrang N sa kanyang pangalan at isa may pinakamalaking katawan sa Kamara.
|