Nalagay sa panganib ang buhay ng isang magkapatid matapos pagsasaksakin ng tatlong kalalakihan na kanilang binusinahan habang naglalakad ang mga suspek sa gitna ng kalsada kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Kasalukuyang ginagamot sa East Avenue Medical Center ang magkapatid na sina Richard, 31 at Rolly Franzuela, 21.
Si Richard ay nagtamo ng tig-isang saksak sa braso at katawan habang nagtamo naman ng tatlong saksak sa tagiliran at likod ang kanyang nakababatang kapatid na si Rolly.
Batay sa salaysay ng magkapatid na Franzuela, sakay sila ng kanilang kotse at habang binabagtas ang Plandel-3 St., sa Barangay Kaligayan, Quezon City ay namataan nila ang tatlong kalalakihan na naglalakad sa gitna ng kalsada pasado alas-12:00 ng madaling-araw.
Binusinahan umano nila ang hindi pa nakikilalang mga suspek, bagay na ikinagalit ng mga ito at kinompronta sila. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa bigla na lamang umano silang sinugod ng mga suspek at pinagtulungan na pagsasaksakin.
Posibleng higit pa sa mga tinamong saksak ang maaaring inabot ng magkapatid kung hindi pa umano napansin ng mga suspek na may papalapit na sasakyan kaya mabilis na kumaripas ng takbo ang mga ito.
Sa kabila ng mga tinamong sugatan, nagawa pa rin ng magkapatid na isugod ang kanilang sarili sa nasabing pagamutan.
|