Kabadung-kabado habang nakikiramdam ang mga Telephone Companies (Telcos) kung itutuloy ng pamahalaan ang matagal ng lulubog-lilitaw na isyu ng tax sa text.
Pero mas matindi ang kabog ngayon ng dibdib ng mga Telcos dahil sa dalawang mabibigat na dahilan na maaring magtulak sa gobyerno na sila’y tuluyan nang kanain.
Kaya’t kahit ubod ng sarap ang “steak” ay hindi naubos ni Ms. Menchie Cruz ng Globe nang matiyempuhan ko sa isang restaurant sa Timog Ave., QC noong Martes ng gabi.
Bukod po kasi sa malinis at simputi ng balahibo ng tupang hangarin ng gobyerno na ibinibigay sa text tax, ito rin ang nakikitang pangontra sa epekto ng US economic meltdown.
Mukhang mala-bailout plan ang tingin dito ng administrasyon tulad ng bailout plan ni US President George W. Bush.
Nakinikinita ko na ang pangingislap ng mata ng mga “kulektor” ng gobyerno habang naglalaway sa pagkakatitig sa bilyung-bilyong kinikita ng mga cellphone companies.
Habang mamata-mata naman ang mga milyung-milyong subscribers na nag-aalalang baka ipasa sa kanila ng mga Telco ang 20 sentimos na text tax.
***
Ayaw pa raw tawagin ni House Speaker Prospero Nograles na bagong tax sa text ang isinusulong niyang ito na ayon kay Kumbacherong Anthony Taberna eh kinopya lang sa original proposal ni Senator Richard Gordon.
Anong hindi tax?! Mano ngang tumigil-tigil ka Speaker ha! Ano ang tawag mo diyan sa kukulektahing pera mula sa mga pribadong kumpanya, TONG-PATS?
Pero inilahad naman ng butihing Speaker ang malinis, busilak at simputi ng nieve (snow) na layunin ng text tax.
Ang koleksyon ay ilalaan daw po sa Education and Health care programs ng gobyerno at hindi naman daw mga subscribers ang papasan nito.
“Is not meant to be an additional burden to the public but instead, it should be taken out from the regular cost being charged by mobile phone service providers.” Eka ng mahusay mag-ingles na mambabatas mula sa Davao.
Ang akala po yata ni Speaker Nogi ay paniniwalaan ng mga tao ang lahat ng sasabihin niya. Maging ang mga Telco, ngayon pa lang, ay nagsabi nang tiyak na ito ay kanilang ipapasa sa mga subscribers kapag ipinilit ng gobyerno.
***
Ang bilyung-bilyong makukulekta sa text tax ang mistulang “bailout plan” ng Arroyo Administration katumbas ng sumablay na 700 billion dollars na bailout plan na ibinasura ng US Congress.
Napatango naman ng todo si Budget Secretary Rolando Andaya dahil ang tax sa text ang isa raw sa maraming opsyon na dapat tingnan para mapagaan ang epekto sa bansa ng US financial crisis.
Ayon naman kay Finance Secretary Gary Teves, anuman daw pong bagong revenue measures na magpapasok ng pera ay tiyak na ikaliligaya ng gobyerno.
Kaya pala hindi mabitaw-bitawan ng pamahalaan ang tax ng mga minimum wage earners na dapat sana ay noon pang Enero libre sa kaltas sa buwis.
Kailangan pang dumulog sa Supreme Court nina Senator Chiz Escudero at Mar Roxas para pwersahin ang gobyerno na bitawan na ang nakokolekta sa mga obrero.
***
Napakaganda, napakalinis at busilak sa kaputian ang layunin ng pamahalaan sa pagsusulong ng tax sa text.
Pero anumang dagdag na buwis sa mga naghihikahos na mga Filipino para sa nakaambang krisis ay hindi solusyon. Hindi ito dapat palusutin ng kongreso gaya ng ginawa ng US congress sa “bailout plan” ni Bush.
Mas malaki ang makukuha ng gobyerno kung ang pupuntiryahin ay ang mga nasa gobyerno na nilulustay ang pondo ng bayan at itinatakbo pa ang iba sa ibang bansa.
Mga nawawalang pondo ng bayan na nauubos sa mga mapuputing hita ng kanilang mga Bubae at para sa kalusugan at edukasyon ng kanilang mga Kolehiyala.
gerrybaja@yahoo.com
|