Dear Tita Nora,
Hindi ko na po alam ang gagawin ko.
Kasi po, bago ko naging boyfriend si Norbing ay dalawang beses na rin akong nasaktan at naloko.
Ang unang boyfriend ko ay sobra kong minahal. Nawalan pa nga ako ng trabaho dahil sa sobrang pagmamalasakit at pagke-care ko sa kanya.
Ang ikalawa nama’y minahal ko rin. Minahal din naman niya ako pero hindi ko akalaing lolokohin niya lang ako dahil meron na pala siyang asawa at mga anak.
Hanggang sa dumating sa buhay ko si Norbing. Akala ko ay magiging masaya na ako sa kanya pero parang balewala lang ako. Boyfriend ko siyang masasabi pero parang sa salita lang. Hindi niya kasi ako tinatratong girlfriend. Hindi niya ako iniintindi.
Hindi niya ako tinatawagan, hindi hinahatid o sinusundo kahit puwede naman. Hindi pinapakilala sa mga magulang, kapatid o kahit sa mga kaibigan. Hindi rin kami nagkikita o lumalabas gaya ng ginagawa ng mga lovers. Kung mag-text man siya ay madalang pa sa patak ng ulan o kaya’y sapilitan.
Tita, hirap na hirap na ako. Pagpayuhan n’yo po ako.
Divine
Dear Divine,
Tingin ko, iha, ay kailangang ipagpahinga mo muna ang puso mo.
Hindi naman yata tamang naturingan ngang boyfriend mo si Norbing pero mistulang namamalimos ka ng pag-ibig at atensyon niya.
Matuto ka naman sanang makaramdam. Kung ganyan namang para siyang tuod ay hindi na tamang ipagsiksikan mo pa ang sarili mo sa kanya.
Bago ka magsayang ng oras sa kanya’y mag-usap muna kayo nang masinsinan. Klaruhin mo ang relasyon ninyo nang malaman mo kung may dapat ka bang asahan o wala nang hindi na rin masayang ang iniuukol mong atensyon at pagmamahal.
Hindi sa lahat ng oras ay kailangang puso ang pairalin mo.
Idilat mo rin ang mga mata mo at talasan ang pakiramdam mo.
Good luck and God bless you.
Love,
Tita Nora