Nagdilim kahapon ang kampanya ng mga Filipino nang malaglag ang isang top bet habang umeksena ang dayuhang babae sa WPA World Ten Ball Championship sa Philippine International Convention Center sa Pasay City kahapon.
Bahagya lang ng nabuhayan ang loob ng mga Pinoy nang maipuslit ni Jericho Banares ang 9-7 upset win kay dating World 9-ball champion Thorsten Hohmann ng Germany.
 |
| Inaasinta ni Pinoy bet Jericho Bañares ang bola sa aksiyong ito, nang kanyang talunin si dating world champion Thorsten Hohmann ng Germany, 9-7, kahapon sa World Ten-Ball Championship sa PICC. |
Nakasampa na ang 18-anyos na si Banares sa Round of 64 kagaya ng mga kababayang sina Marlon Manalo, Victor Arpilleda, Demosthenes Pulpul at Leonardo Didal na nauna na sa next round.
Si Hohmann ang ikatlong kampeon na namaalam sa torneo pagkatapos nina Women’s World 9-ball titlist Lin Yuan Chun ng Taiwan at Doha Asian Games gold medalist Antonio Gabica na pare-parehong nakatikim ng dalawang sunod na mga talo.
Humabol at nakatabla sa 6-6 si Gabica pero hindi rin umubra kay Martin Larsen ng Denmark, 9-7. Si Gabica, unang Filipino na nag-qualify sa main draw ng WTBC, ang isa sa mga paborito na maagang napatalsik sa torneo.
Binutata ng naging crowd-favorite na si Lin si Corey Deuel ng United States, 9-0. Ang kababayan ni Lin na si Liu Shin Mei, isa pang dilag na naging instant favorite, ay nanaig kay Sit Shun Ching ng Hong Kong, 9-5.
Nagiging una si Liu, Doha Asian Games 9-ball gold medalist, na female qualifier sa Last 64 ng tournament, pati na si reigning World 9-ball champion Daryl Peach.
Nagsipawagi rin at umabante sa susunod na round sina Wu Chia-Ching at Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei, Ralf Souquet ng Germany, Johnny Archer, Louis Condo, Fu Che Wei, Byron Elias, Sandor Tot, Kazuo Furuta, Konstantin Stepanov, Nick van den Berg, Wang Hung Hsiang, Yang Ching Sun, King Wong Dae, Shaun Wilkie, Fabio Petroni, Ricky Yang, Wang Ming, Stevie Moore, Lai Chia-Hsuing at Imran Majid. |