NAKAHINGA nang maluwag si Bea Alonzo nang malaman niyang si John Lloyd Cruz ang makakapareha niya sa bago niyang teleserye.
Ang akala kasi ng marami ay mas gusto ni Bea na maipareha siya sa iba at hindi ‘yung puro si John Lloyd na lang ang leading man niya. 
“Sabi ko sa naunang interbyu ko, para akong naputulan ng isang paa. Ngayon, nabalik na ‘yung paa na ‘yon. Nakakapaglakad na ulit ako nang straight dahil si Lloydie ‘yung partner ko.
“Nakakabawas ng pressure sa parte ko. Kasi, alam ko na meron na akong kasangga, meron na akong ka-share nu’ng pressure na ‘yon na, ‘Uy, nandito ka ulit! Buti na lang, nandito ka!’ Alam mo ‘yon?
“Para akong sasabak sa isang contest, na dati wala du’n ‘yung pamilya ko, ngayon nandu’n na. So, nakakawala ng konting kaba. At saka ‘yung sinasabi ko na excited akong ma-pair sa ibang tao, mangyayari naman ‘yon sa pelikula,” pahayag ni Bea.
May mga mga press release noon na paghihiwalayin na sila ni Lloydie, ‘yun pala ang ending ay silang dalawa pa rin ang magkapareha.
“Gaya ng sinabi ni Lloydie, dahil siguro sa demands ng fans. At siguro, na-realize din ng management na bagay na bagay rin sa kanya ‘yung role.
“Kung napanood n’yo ‘yung original Colombian version, magkahawig din sila!” masayang bulalas ng magandang young actress.
***
Ano’ng feeling niya sa pagiging successful ng team-up nina Lloydie at Sarah Geronimo sa A Very Special Love? 
“Ay, happy ako! Even I, watched the movie at kasama ko si Tita Mariole (Alberto), ‘yung manager ko, na pinanood ‘yung movie.
“Actually, sobrang fan ako ni Direk Cathy Molina, so alam ko talagang maganda ‘yung pelikula. Pinanood ko and I must say ang galing-galing ni Sarah.
“Sobrang fan niya ako pagdating sa pagkanta. I never thought na magiging fan niya rin ako pagdating sa pag-arte!” papuri niya kay Sarah.
Dahil naging big hit ang Lloydie-Sarah movie ay napatunayan ni JLC na kaya na nitong mag-isa. Hindi kagaya ni Bea na hindi raw kayang tumayo nang wala si John Lloyd.
Ano’ng reaksyon niya roon?
“Basta ako, nagtitiwala pa rin ako sa plano ng management (ng ABS-CBN) para sa akin. Alam ko, hindi nila ako pababayaan dahil naging loyal naman ako sa kompanya.
“Para sa akin, basta ginagawa ko na lang ‘yung nararapat. In fairness, they’ve always been so fair dahil binigyan nila ako ng ganitong klaseng show and it’s a big, big show! So, medyo nakaka-pressure sa totoo lang, pero exciting!” sambit pa ng 20-anyos na dalaga.
***
Nabanggit din sa amin ni Bea na may gagawin siyang isang international movie na ididirek nina Maryo J. de los Reyes at Albert Martinez.
Rosario ang titulo nito na ayon kay Bea ay pang-Cannes filmfest.
“Sa Star Cinema, may pinaplano na ring movie. Ang ganda! It’s not with Lloydie kaya excited din ako na ipareha sa iba. ‘Yung Rosario is not a love story, totoong istorya siya ng isang babae.
“Iyung sa Star Cinema is life story naman ng isang widow. It’s very mature, at glamorous ako sa movie na ‘yon!” excited pang tsika ni Bea.
|