Sa pagsisimula ng holy month na Ramadan ngayong araw, nagbanta kahapon ang pamahalaan na hindi ito puwedeng gawing pananggalang ng mga tinutugis na Moro Islamic Liberation Front (MILF) Commanders.
Ayon kay Press Secretary Jesus Dureza, nasa kamay din ng liderato ng MILF kung tutulong sa pagpapasuko kina Abdullah Macapaar alyas Kumander Bravo, Umbra Kato at Aleem Sulaiman alyas Pangalingan ngunit aminadong malaking bagay ito kung mangyayari.
“Law enforcers will take into account the sensitivity of Muslims but let me make it clear that we will not allow lawless elements to invoke Ramadan or hide behind Ramadan because they committed unlawful, un-Islamic acts kaya tuluy-tuloy ang paghahanap sa kanila. The Ramadan will be taken into account,” ani Dureza.
Kasabay nito ay tiniyak ng Malacañang na kahit tuloy ang pursuit operations sa mga wanted na MILF Commanders ay hindi isasama sa operasyon ang mga Muslim communities kung kaya wala umanong dapat na ipangamba ang mga ito.
Ani Dureza, may marching orders na sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na ituloy ang paghabol sa mga MILF Commanders kahit panahon ng Ramadan nang hindi nababastos ang paggunita sa okasyon ng mga kapatid na Muslim.
Nanawagan din ang Malacañang sa mga Kristiyanong Pinoy na makiisa at igalang ang buong buwan ng Ramadan na ginugunita ng mga Muslim sa buong mundo.
Sa Senado, hinamon ni Senate minority floor leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., ang dalawang kumander ng MILF na huwag gamiting panangga ang Ramadan upang makaiwas sa pagtugis ng militar at pulisya.
Bagama’t kontra sa all out war, pinaboran ni Pimentel ang pagtugis kina Bravo at Kato kahit ginugunita ang Ramadan.
Ayon kay Pimentel, maraming paglabag sa batas at inosenteng sibilyan ang idinamay sa gulo nina Kato at Bravo kaya’t makatwiran lang na papanagutin sa kanilang pagkakasala ang mga ito.
Kung seryoso ang liderato ni MILF chairman Al Haj Murad sa peace talks, dapat aniyang isuko sina Bravo at Kato para mabigyang hustisya ang mga inosenteng sibilyan at hindi dapat gamiting panangga ang Ramadan para makaiwas sa pagtugis ng militar.
“Hulihin pa rin ang mga kriminal kahit may Ramadan,” ani Pimentel nang tanungin kung pabor sa pagtugis ng militar laban kina Kato at Bravo kahit ginugunita ng mga Filipino-Muslim ang isang buwang Ramadan, simula ngayong araw.
Tanging pakiusap ni Pimentel, kailangan aniyang limitahan o isentro ng militar at pulisya ang pagtugis sa grupo nina Kato at Bravo dahil maraming sibilyan ang madadamay kung ipapatupad ang all out war laban sa MILF.
“While the fiasco over the Memorandum of Agreement on Ancestral Domain has sparked anger and frustration on the part of the MILF, it cannot by any means serve as a ground for waging war and sowing terror on peaceful and defenseless civilian communities,” anang senador.
|