Ito ang naging kantiyaw at resbak ni Senate minority floor leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos itong malagay bilang No. 41 sa Most Powerful Woman sa buong mundo ng prestihisyosong Forbes Magazine.
Katulad sa kantiyaw ng militanteng grupo, pinagtawanan ni Pimentel, ang karangalang ibinigay kay Mrs. Arroyo ng Forbes Magazine dahil malaking kahihiyan ang inabot ng Pangulo sa mga pagkilala rito.
Ayon kay Pimentel, maituturing na makapangyarihan si Mrs. Arroyo dahil patuloy nagtatampisaw sa kapangyarihan kahit katakut-takot ang eskandalo at katiwaliang kinasasangkutan subalit mas nakakahiya ang pagkagutom ng mga Pinoy.
Nauna rito, inupakan ng grupong Gabriela ang pagkasama ni Mrs. Arroyo sa listahan ng mga pinakamakapangyarihang babae sa buong mundo matapos balikan ang mga kaganapan sa nagdaang taon, katulad ang pagkakasangkot sa pandaraya at pang-aabuso sa kapangyarihan ng Pangulo.
Maliban sa pagkagutom ng mga Pinoy, napakahinang bansa ng Pilipinas, maging liderato ni Mrs. Arroyo, ayon kay Pimentel, patunay ang pagkakakaupo sa pamamagitan ng pandaraya noong 2004 national election laban sa namayapang si Fernando Poe Jr., kung saan hindi aniya malinaw ang mandato bilang Pangulo, kabilang ang pagiging sunud-sunuran sa interes ng mga dayuhan.
“Totoo. Most powerful si GMA. Mahina lang ang bansa at gutom ang mga tao,” resbak ni Pimentel nang tanungin kung lulusot bilang “most powerful woman’ si Mrs. Arroyo sa panlasa nito.
|