Hindi papayagan ng minorya sa Kongreso na basta-basta na lamang maipasa sa Senado ang kontrobersyal na panukalang batas na nag-oobliga sa buwis ng taumbayan na pondohan maging ang pangangampanya ng mga partidong pulitikal sa bansa.
Ayon kay Bayan Muna Party-list Rep. Teddy Casiño, nakatakdang maghain ngayong araw ng Lunes ng motion for reconsideration ang minority bloc upang mapigil ang pag-transmit sa Senado ng kontrobersyal na House Bill 3655 o The Political Party Development Act.
Ang panukalang batas ay magugunitang nailusot at naaprubahan sa 3rd reading kamakailan sa Kamara. Mahigpit naman itong tinuligsa ng mga mambabatas na kontra rito dahil umano’y ginawang pagratsada ng House majority nang walang abiso itong isinalang sa plenaryo dahilan para magkagulo.
“Nagkagulatan sa plenaryo, bigla kasing tinake-up, malinaw na violation ito sa existing agreement na hindi muna ito dapat na i-tackle,” paliwanag ni Casiño.
Sa ilalim ng proposed bill, bibigyan na ng state subsidy fund ang mga accredited political party buhat sa buwis ng taumbayan para magamit sa kanilang political development, pangangampanya sa panahon ng eleksyon at iba pa.
“Napaka-self serving ng batas na ito dahil sila sa administrasyon ang makikinabang. May conflict of interest,” paliwanag pa ni Casiño.
|