Lumiham sa Usapang OFW ang isang Mr. Pio Luna, chairman ng Victims of Excessive Laws, para sa anya’y maraming detainees sa Manila City Jail na nakasuhan ng large-scale illegal recruitment at hindi pinagpiyansa.
Anya’y ginagamit daw ng ilang tiwaling pulis at prosecutor ang malawak na pakahulugan sa kasong illegal recruitment sa ilalim ng Republic Act 8042, o ang Migrant Workers Law. Sinabi niyang marami sa mga nakasuhan ng illegal recruitment ang lisensyado ng POEA.
Ayon sa grupo ni Mr. Luna, kapag walang naisukang pera ang akusado ay walang inirereklamong bail ang mga taga-usig sa inquest proceeding.
Ang illegal recruitment ay itinuturing na isinagawa ng isang sindikato kung isang grupo ng tatlo o higit pang tao ang nagsabwatan para makapanloko ng mga nag-aaplay sa trabaho. Ang illegal recruitment ay itinuturing na large-scale kung ang nabiktima ay tatlo o higit pa.
Sadya namang malawak ang saklaw ng kasong illegal recruitment sa ating bansa. Kung ang isang tao o grupo’y walang permiso sa POEA o DOLE na mag-recruit ay awtomatikong illegal recruiter na sila. Kahit naman may permit pa sa POEA ang isang placement agency ay matituring pa rin silang illegal recruiter kung:
*Maningil siya ng bayarin na higit pa sa itinakda ng labor secretary kaugnay ng kanyang deployment, gayundin ang paniningil niya ng sobra sa pinautang na dineploy;
*Maglabas siya ng di-totoong impormasyon o dokumento na may relasyon sa pagre-recruit;
*Magbigay ng maling impormasyon o pekeng dokumento sa hangad na mabigyan ng lisensyang mag-recruit mula sa POEA;
*Ang manghikayat sa isang manggagawa na magbitiw sa kasalukuyang trabaho at ang mag-offer rito ng kapalit na empleyo;
*Ang impluwensyahan ang anumang grupo o personalidad na harangin ang pagtatrabaho ng isang taong hindi nag-apply sa pamamagitan ng kanyang recruitment agency;
*Ang mag-recruit para sa mga patrabahong naglalagay sa peligro sa kalusugan, moralidad o dignidad ng republika;
Bukod sa mga nasa itaas ay may anim pang grounds para makasuhan ang isang licensed recruiter ng illegal recruitment, alinsunod sa Migrant Workers Act na, ayon sa grupo ni Mr. Luna, ay nadeklara nang unconstitutional ng lower court at ng Court of Appeals at nakapending ngayon sa Supreme Court.
“Sana ay makarating ito kay Justice Secretary Raul Gonzalez para maipaabot sa kanyang mga prosecutor na huwag isama ang licensed recruiters sa mga hindi nirerekomendahan ng bail dahil mayroon naman kaming cash bond sa POEA na one million pesos para isagot sa mga reklamo,” ani Luna.
“Sana ay mahigpit na ipag-utos ni Secretary Gonzalez na sundin ang implementing rules and regulations (ng Migrant Workers’ Act) na nagsasabing dapat ay dumaan muna sa DOLE for determination kung bakit ang complainant ay hindi pa nade-deploy.”
|