September 01, 2008 - Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Kapalaran ng OFW
Ping Lacson


Tayo ay naanyayahan sa Hong Kong ng Luzon Federation ng ating mga OFW. Kaya’t kahapon ay nakidaupang-palad tayo sa kanila sa gymnasium ng Bradbury School sa Hong Kong Island.
Tuwing Linggo ay makikita natin ang ating mga kababayang OFW na nagtutungo sa Central, sa Hong Kong Island, at doon ay nagsasama-sama sila, kumakain ng mga pagkaing katutubong atin, tulad ng kare-kare, adobo, sinigang, at iba pang mga ulam na hindi nila niluluto o natitikman sa kanilang mga pinagtatrabahuang pamilya. Dito rin sila nagsisipag-usap-usap, nagpapalit ng balita ukol sa kani-kanilang mga bayan at pamilyang nawalay dahil sa trabaho.
May 126,000 ang dokumentadong nagtatrabaho sa Hong Kong, pwera pa ang mga walang dokumento, o ‘di kaya’y mga permanent resident na dahil sa tagal nang pagtatarabaho rito. Liban pa rito ang mga nasa Shenzhen, Macau, Gwangdong at iba pang karatig pook ng Hong Kong.
Nang makausap natin ang ilan sa mga OFW na nagsidalo sa pa-meeting ng Luzon Federation, pati na mga opisyal ng Visayas at Mindanao Federation ng OFW, kung saan tayo’y naanyayahang magsalita, palaging ang tanong ay, “Senator, kailan pa ba aangat ang Pilipinas na katulad nito?” Kasabay na niyan ang daing ukol sa hirap ng pagkakawalay sa pamilya. Kako pa nga e masuwerte sila kaysa sa mga nasa lalong malayong lugar, tulad ng Saudi o maging Iran o Russia, kung saan napakahirap ng mga kundisyon at kultura, liban pa sa napakalayo.
Nguni’t hindi maikukubli ang lungkot. At hindi lalo maikukubli ang kasama nang inggit sa asenso ng ibang bansa, tulad ng Hong Kong at Tsina. Masyado na tayong napag-iwanan.
Wika ko nga ay kailangan nating seryosohin ang pagpapalakad ng ating bansa. Kailangan nating ihalal ang mga may tunay na malasakit sa bayan, at hindi pang-sariling interes ang siyang sinusulong. Kailangan nating iwaksi ang isiping talagang ganito na lang ang ating bansa. Karapatan ng bawa’t Pilipino ang magkaroon ng matinong liderato, na hindi siya pagsasamantalahan at nanakawan, bagkus ay iisip at magsasagawa ng mga wastong pamamaraan upang mai-ahon ang populasyon sa hirap, tungo sa ginhawa.
Ganito ang ginawa ng mga karatig-bansa ng Pilipinas, na pinalad na magkaroon ng mga maaayos na lider, tulad ni Lee Kuan Yew sa Singapore, ni Prem Tinsulanonda sa Thailand, sina Deng Xiao Ping at mga humalili sa kanya sa malaking bansang Tsina.
Sa ating bansa, kapag pinanganak kang mahirap ay tila wala ka nang pag-asang umangat pa sa buhay. Bulok ang edukasyong makukuha mo sa pamahalaan, at kung magkasakit ka ay bahala ka na sa iyong sarili. Walang katahimikan, walang kaayusan. Hirap ang hanapbuhay, kaya’t napipilitang kumagat sa patalim, wika nga, at mawalay sa pamilya upang kumita.
Nag-uumpisa ang lahat sa direksyong dapat ay maibigay ng liderato, sa pulitika, sa ekonomiya, sa lipunan. Ayusin natin ang pamahalaan at isa-ayos ang mga nagsisipagtakbo ng pamahalaan, at uusad at aangat tayong lahat.
(www.pinglacson.com.ph at pinglacson.blogspot.com)     

 

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES