September 01, 2008 - Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Manny Pangilinan for President?
Anthony Taberna


Kahit saan ka mapadpad sa Kalakhang Maynila, hindi puwedeng mawala ang mga maayos na kalsada na winawasak ng mga kontratista ng Maynilad at Manila Water Company para ilatag ang kanilang mga tubo.
Wala naman sanang problema kung aayusin o ibabalik sa dati ng mga hunghang na kontratista ang binubungkal na kalsada matapos ang trabaho nila.
Ang diprensya, para silang mga rapists na halinhinang gagahasain ang walang kalaban-laban nilang biktima saka iiwan itong luhaan matapos yurakan ang dangal.
Hindi maliit na halaga ang ginagastos na pera ng taumbayan upang ayusin ang mga kalsada para maging maganda at mapakinabangan nang mainam ng mga mamamayan lalo na ng mga motorista.
Kapag hinukay na ni Boy Bungkal ang kalsada, ilalatag ang kanilang mga tubo, babaha sa kalye, tatabunan ng konting putik at saka lalayas na ang hindoropot na impakto!
Kung makakapagsalita lang siguro ang kalsada ay baka pinaliguan na sila ng katakut-takot na mura.
Ang nakakabuwisit nga lamang, may mga opisina ng gobyerno na dapat sana’y umaakto sa lantarang pambabastos ng mga kontratistang ito ngunit nagsasawalang-kibo at kinukunsinti kahit kalsada’y pinuwerhuwisyo!
Hindi mo tuloy masisi ang mga taong nagtatanong ng MAGKANO?!!!
Hindi ko maintindihan kung bakit walang ginagawa ang Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga lokal na pamahalaan sa Kalakhang Maynila rito.
Inutil din ba ang ating Kongreso o ang mga Konseho para hindi gumawa ng batas at ordinansa upang maparusahan ang mga lantarang sumisira ng public properties natin?
Anak ng Bakang dalaga naman!
Ano kaya’t lusubin natin ang bahay o opisina ng mga may-ari ng mga Water concessionaires na ito at hambalusin natin ng tubo?
O kaya naman ay bungkalin din natin ang kalsada sa tapat ng kanilang mga tarangkahan at ating ikatwiran na maglalatag din tayo ng tubo para dumaloy ang tubig sa kanilang mga lababo?
Mga hangal!
***
Habang nakatutok tayo sa isang rekwang pumoporma para tumakbong presidente at bise presidente sa 2010 elections, may mga kumikilos naman pala ngayon upang kumbinsihin si PLDT honcho Manny Pangilinan upang siya mismo ay lumusong sa presidential derby.
Isang source ang nagsabi na itinutulak ngayon ng isang pangkat ng mga datihang opisyal ng gobyerno at mga bigtime na negosyante si MVP upang subukan ang presidency kapag bumaba si Pangulong Glory.
Kung hindi umano mapapapayag si Ginoong Pangilinan na tumakbo sa pagka-presidente ay aamukiin itong tumakbo sa pagka-bise presidente.
Wika ng isang nagtsutsu sa akin, nasubukan na natin ang pinakamatalinong presidente sa katauhan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at isang artista na si Pangulong Joseph Estrada gayundin ang isang biyuda na si Mrs. Cory Aquino at ekonomista sa katauhan ni Ginang Gloria Arroyo, mabuti umano ay purbahan din natin ang isang purong negosyante na si MVP!
Kung ang tagumpay ng PLDT at Smart at iba pang pinatakbong negosyo ni Pangilinan ang pag-uusapan, masasabi nga namang isang matagumpay na negosyante si MVP!
Muntik na sana tayong magkaroon ng isang presidenteng negosyante na kayang patakbuhin ang Pilipinas bilang isang ordinaryong korporasyon noong 1992 pero minalas na naisahan ni FVR si San Miguel Big Boss Eduardo Cojuangco.
Ano nga kaya’t pumayag si MVP? Mukhang ma­raming maglalangoy sa pera at pulitika!
Syanga pala, nabili na pala ng Pangilinan Group ang North Luzon expressway mula sa pamilya Lopez.
Balita ko, tumataginting na 12 bilyong piso naisara ang usapan…negosyante talaga!
(tunying016@yahoo.com) 

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES