Dear Kuya Rom,
Masama po ba ang maging selosa? Mahigit na dalawang taon na kami ng boyfriend ko. Nagkakilala kami sa school. Parehas kaming mahilig sa sports kaya kami naging malapit sa isa’t isa.
Bago naging kami, alam kong mahabang panahon ding nakasama niya ang kanyang barkada na mga lalaki at babae. Matagal na niyang mga kaibigan sila mula pa sa high school, at ang kanilang pagkakaibigan ay hindi napuputol hanggang sa ngayon. Kahit na magkakaiba sila ng school at may kanya-kanya na silang karelasyon. Ang barkada ng boyfriend ko ay para niyang pamilya. Kung birthday ng isa, nandu’n sila lahat. Kung may party ang isa, ang lahat ay naroroon. Masaya silang kasama.
Ngunit minsan na isinama niya ako sa party, may pangyayari na ‘di ko nagustuhan. Ang may birthday ay kaibigan niyang babae, nagsasaya, at umiinom. Niyakap niya ang boyfriend ko sa leeg at kinantahan niya ito ng isang kanta sa karaoke. Nais kong tumalikod at umuwi na lang sa oras na iyon, pero nagpigil ako. Pagkatapos, napansin ng babae na iniiwasan ko siyang kausapin, kaya’t nag-sorry siya sa akin at sa boyfriend ko. Sinabi ng boyfriend ko sa kanya na pinagbigyan lang siya dahil birthday niya. Nangako ang babae na hindi na niya uulitin.
Ang problema, hindi ko makalimutan ang gabing iyon na hinayaan ng boyfriend kong yakapin siya ng ibang babae. Ngayon, tuwing may lakad ang kanyang barkada, hindi na ako sumasama. Mahal ko ang boyfriend ko at alam kong mahal niya ako, pero tuwing maaalala ko ang nangyari sa birthday party na iyon, parang gusto ko nang mamatay. Ayaw ko ang ganu’n. Paano na kung hindi ko siya nakikita, ano ang ginagawa niya? Tama ba ang ginagawa kong hindi pagsama sa kanya kapag may party ang kanyang barkada? -- Rina
Dear Rina,
Nakita mo ang nangyari. Birthday ng babae, nagsasaya siya, lasing ng kaunti at nagkataong ang boyfriend mo ang kanyang napagtripan na kantahan, na ayon sa iyong kuwento, para silang isang pamilya kung magturingan. Pagkatapos, naisip ng babae na hindi maganda ang kanyang ginawa, at nahalata niyang minasama mo ito, kaya kaagad siyang humingi ng dispensa sa inyong dalawa. Narinig mo rin na nangako ko siyang hindi na niya uulitin iyon. Pero sa isip mo, naniniwala ka na puwedeng maulit ito.
Insecurity ang problema mo. Nagiging insecure ka sa relasyon mo sa iyong boyfriend. Para kang mamamatay kapag naiisip mo ang maaaring masamang mangyari, na puwede siyang matukso, ipagpalit ka sa ibang babae, iwanan ka niya, at mawala siya sa iyong buhay.
Ganyan talaga kamiserable ang buhay kapag hindi ka nagtitiwala sa iyong minamahal. Apektado ang lahat ng bahagi ng iyong buhay, Hindi ka makakain, hindi makatulog, at hindi makapag-isip ng positibo. Lagi kang may takot sa dibdib na parang isang kanser na kumakalat sa iyong buong pagkatao.
Sa English, tinawag ni Shakespeare ang selos na “green-eyed monster.” Hinahayaan mong sirain at hindi bigyan ng katahimikan ang buhay mo ng isang dambuhalang pagseselos. Ang susi para magkaroon ka katahimikan at kagalakan ay ang patawarin mo ang babae at ang iyong boyfriend sa pangyayaring iyon at lubos mo nang iwaksi sa isip ito.
Bigyan mo ng pagkakataon ang boyfriend mo na ipakita sa iyo ang kanyang katapatan. Sumama ka sa lakad ng barkada. Gusto ka niyang isama sa kanyang mga lakad para ito sa proteksyon ng kanyang pagmamahal at relasyon niya sa iyo. Nais niyang kasama ka at nasa tabi ka niya lagi para maalis sa isip mo na baka siya matukso at magtaksil. Kaya’t huwag mong masamain ito pagkat ang totoo’y nakatutulong ito upang maging matibay ang inyong relasyon.
Kailanman ay hindi maganda ang selos; alisin mo ito sa iyong pagkatao. Ang selos ay parang nagngangalit na apoy na tumutupok sa pagmamahalan ng dalawang puso. Wala itong maibibigay na mabuti kundi maitim na abo ng nasirang relasyon. Ang panlaban mo rito ay lubos na pananalig sa taong pinagkatiwalaan mo ng iyong puso. God bless you.
Payong kapatid,
Kuya Rom