May 6,000 milya, 12 oras, ang biyahe ng eroplanong Philippine Airlines PR 104 na nagmula Maynila patungong San Francisco, California sa Amerika.
Sa pamumuno ni Icel Argana at Gelo Serrano, mga hinete ng Infinite Ideas Events and Production Compnay, ibiniyahe ang limang miyembro ng PBA’s 25 Greatest Players of all time para ibalik ang kinang ng dekada otsenta at nubenta sa harap ng mga kababayang uhaw sa talbog ng bola mula sa Araneta Coliseum at Ultra.
Binaybay din ng grupo ang mga sumusunod na lugar at establisimiyento upang maimbitahan ang mga Pilipinong namamahagi sa Vallejo, California. Dumalaw sa Ichiban Comedy Bar, Nagpa-interview sa ABS-CBN Global na programa ni Gel Santos-Relos sa programang “Balitang Amerika”. Tumungo sa Seafood City, Island Pacific, 3J’s Oriental Store, Pampangueña Restaurant, Max Restaurant, at Pinoy-Pinay Restaurant, upang makipagdaupang-palad at makipagkilala sa mga kababayan nating Filipino sa Vallejo.
Limang dating manlalaro ng Philippine Basketball Association ang nangunang bumuo sa Pinoy-All Stars, isang koponang dinala nina Jojo “Jolas” Lastimosa, Benjie “Tower of Power” Paras, Hector “The Director” Calma, Alvin “The Captain” Patrimonio, at Ronnie Magsanoc (ang inyong lingkod) upang makipaglaro sa koponan ng All-Star selection ng siyudad na Vallejo, sa West Coast, California.
Sa pagitan naman ng limang manlalaro na nag-ensayong puspusan sa San Juan Arena bago lumipad papuntang Amerika, ang lahat ng pagkakataon at pangyayari ay isang kurot ng tadhana upang maimbitahan na maglaro sa California, kahit ang kasikatan ay lumipas na.
Ipinadama ng limang manlalaro ang init ng pasasalamat sa mahabang mga taon ng paghanga, pagpalakpak, at pagsubaybay na ipinamahagi ng mga Pinoy na dating nasa Maynila subalit sa mga nakalipas na taon ay nagtrabaho at tumira na sa Amerika. Bumati, nakipag-kamay, nakipagsariwaan ng mga magagandang alaala sa mga kababayan.
Kaysarap magsuot muli ng mga playing jerseys na may mga numero #14 kay Calma, #13 kay Paras, #6 kay Lastimosa, #16 kay Patrimonio at #5 kay Magsanoc. Limang magkakalaban sa hard court, pinag-isa ng pagkakataon upang tumibay ang samahan at lumakas ang kapit ng pagkakaibigan sa panghinaharap.
Para sa Pinoy-All Stars, ang pride ng isang dating manlalaro ang siyang nagtulak upang sa isang 40 laro laban sa mga taga-Vallejo, ang dating sigla sa pagtakbo, husay sa pagtikada ng bola, bangis sa pag-depensa, liksi sa pagtalon, gamit ng utak upang makahanap ng paraan na manalo, ay muling hinugot sa tadyang ng lakas ng pag-iisip para magwagi laban sa mga kabataan ng Vallejo.
Mission accomplished para sa Pinoy-All Stars. |