Ginamit nang husto ng Talk ‘N Text at Red Bull Barakos ang pagkakataon nila sa annual draft ng 34th Season ng PBA kahapon sa Activity Center ng Market! Market! sa Taguig at tiyak na mas lalo pang lalakas ang huli simula ngayong 2008-09.
Kahit nakuha ng Rain or Shine Elastopainters bilang overall top pick ang pinakamatinik sa pool ng 47 rookies na si Gabe Norwood, tatlo sa apat na first at second round draft picks ng Barakos ang ginamit nila at unang hinugot ang forward na si Larry Rodriguez mula PMI sa no. 9.
Tinapik ng Red Bull sa second round (17th at 18th) sina Jeffrey Chan at Mark Anthony Cuevas, bago nag-pass sa pang-19.
Ang isa sa pinakamalaking sorpresa ng draft kahapon ay ang San Miguel Beer (Magnolia) na ibinigay ang no. 3 pick nila sa Phone Pals kapali ni Jay Washington. Ang third pick sana ng SMB ay nakuha nila sa Gabby Espinas-trade na natamo ng Air21 mula Ginebra kapalit ng three-way trade kina Rafi Reavis, Billy Mamaril at Rudy Hatfield.
Dahil sa palitan ng SMB-TNT ay tatlong sunod ding nakinabang ang Phone Pals sa unahang bahagi ng first round.
Tinapik ng Phone Pals sa no. 2 ang 6-foot-5 Fil-Am na si Jared Dillinger, bago isinunod sa no. 3 si point guard Jason Castro, ang MVP ng Harbour Centre sa Philippine Basketball League na kasalukuyang gumagawa ng pangalan sa paglalaro sa Singapore.
Nagdagdag ng puwersa sa ilalim ang TNT sa no. 4 pick nang kunin ang Fil-Am center na si Rob Reyes mula Flagler College.
Si Mark Borboran ang kinuha ng Express sa no. 6, kasunod si Beau Belga na napunta sa Purefoods, Bonbon Custodio (no. 8) sa San Miguel, at Kelvin Gregorio (no. 10) sa Purefoods.
Sa second round, pinili ng TNT ang guwardiya mula San Beda na si Pong Escobal, TY Tang sa Rain or Shine (no. 12), Pocholo Villanueva sa Express (mula sa Ginebra-Ronald Tubid trade), no. 14 si Chito Jaime sa Sta. Lucia mula sa Coca-Cola-Denok Miranda trade), no. 15 si Kelvin Dela Pena (Alaska), no. 16 si Jonathan Fernandez sa Purefoods (mula sa Air21-Paul Artadi trade), at 20th pick si Christian Cabatu na napunta sa SLR.
“Every game, play your hearts out, laging bigay-todo,” payo ni PBA commissioner Sonny Barrios sa mga rookies.
May limang araw ang mga teams simula ngayon para bigyan ng offer sheet at papirmahin ng kontrata ang mga hinugot. |