Naalpasan ng De La Salle University at University of the East ang magkahiwalay na oposisyon para manatili sa kontensyon ng pangalawa’t pinaleng Final Four twice-to-beat edge at makumpleto ang semifinals cast sa 71st University Athletic Association of the Philippines men’s basketball tournament second round eliminations sa PhilSports Arena sa Pasig City kagabi.
Natupad ni Rico Maierhofer sa overtime ang nabigo niyang magawa sa regulasyon - nakapagswak ng dalawang free throw sa natitira 5.2 segundo -- nang panain ng Green Archers ang Adamson University, 84-79, sa pantaas ng kurtinang sultada.
Pumaltos muna ang jump shot ng nasabing cager sa regulation play para nagwakas sa 70-all at mahatak ang five-minute extra period. Pero ang pagbawi niya sa OT ang umangkla sa DLSU ng ika-10 pananaig sa 13 pakikibaka.
Ang kaastigan ni Maierhofer sa kabuuan ng salpukan ay nagputong din sa kanya ng best player of the game kung saan nagrehistro siya sa Taft-based squad ng 16 points, 11 rebounds, three block shots at one assist.
Meron ding ‘di matatawarang ayuda sa kanya na 19 markers, five boards at 3 feeds si JV Casio para akbayan ng mga Lasalista sa segunda sa katayuan ang karibal sa ‘twice ..’ na Far Eastern University kasabay sa pagtulak sa biniktima sa 2-11.
Sa tampok na giyera, sapat na ang ipinundar na 22 puntos na abante ng University of the East sa sigwada ng payoff period upang mahakbangan din ang University of Santo Tomas via 89-87 win at kunin ang 4th & last semis berth.
Nadale ng Red Warriors, pinagbidahan nina Pari Llagas (nagsubi ng 20 pts, 3 rebs., 2 assts. at 2 blks.) at Marcie Arellano (may career-high 18 pts.).
|