Nagsosyo sa liderato ang ABS-CBN 2 at DZBB sa quarterfinals ng Media Sports League (MSL)-1st Senate President Manny Villar Cup Media Edition matapos manalasa sa AMF-Puyat Billiards Center, sa Star Mall, Mandaluyong City kamakalawa.
Tumumbok ng tig-tatlong panalo ang dalawang koponan sa Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports, upang pagsaluhan ang unahan sa quarters race habang lumagapak ang dating nangungunang Team Bulacan at IBC-13 Team sa No. 3 at No. 4 rank, ayon sa pagkakasunod.
Winalis ng ABS-CBN Team (3-0) nina Rowen Ruedas, Bernardo Carpio at Alvin Lumacang ang trio ng National Press Club (NPC) Team nina Benny Antiporda (Remate), Tracy Cabrera (Police Files) at Pablo Hernandez (Bulgar), 5-0, kasunod ang IBC-13 Team nina Merwin Llanza, at Gaylord Medenilla via 5-3 at panghuling biniktima ang LTFRB Team nina Jojo Perez (Business World), Mike De Juan (Manila Standard Today) at Louisa Francisco (Business World), 5-2.
May 26 ang kalahok na mga koponan sa kumpetisyon na inorganisa ng MSL sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Senate President Villar at inisponsoran ng Star Mall, 100 Plus energy drink, Pan de Pidro, Tips N Toes Nail Salon and Chopopoy’s Manukan. |