Tumimbuwang ang isang nadamay lamang na batang babae nang mabaril ng isang pulis makaraang humantong sa malaking gulo ang simpleng gitgitan sa trapik ng alagad ng batas sa isa namang titser na kanyang nakasabayan sa lansangan kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Namatay sanhi ng tinamong tama ng bala sa batok na tumagos sa kanang noo ang biktimang si Rodalyn Ferrer y Soliven, 12-anyos, grade 6 pupil ng Central Elementary School at nakatira sa Bolante II, Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Kusa namang sumuko ang nakabaril na si PO3 Gerardo R. Javier, 32, nakatalaga sa Operations Division ng Eastern Police District Headquarters at taga-Silangan, San Mateo, Rizal.
Isinuko rin ng pulis ang kanyang service firearm na 9mm. na ginamit nito sa pamamaril.
Samantala, basag naman ang pagmumukha ng titser na si Jun P. Cayabyab, 35, may-asawa, guro ng Pembo Elementary School at residente ng Pinagbuhatan, Pasig City, na siyang nakagitgitan sa daan ni Javier bago sumiklab ang gulo.
Nag-ugat umano ang insidente sa isang simpleng hindi pagkakaunawaan sa trapiko habang nagmamaneho si Javier ng motorsiklo nito at nakasabay si Cayabyab na nakamotorsiklo rin at angkas ang kanyang anak na si Jannylie, 9-anyos at grade 4 pupil.
Nagpang-abot umano ang dalawa sa Calawaan, Pasig City pasado alas-nuwebe ng gabi kung saan sinita ni Javier si Cayabyab pero sumibat umano ang huli. Nagkaroon ng habulan hanggang sa naabutan ng pulis ang titser pagsapit malapit sa isang palengke na `di kalayuan sa tinitirhan ng biktima sa Bolante II.
Sa paliwanag ni Cayabyab, sinabi nito na hindi niya alam kung ano ang nagawa niyang violation para sitahin ni Javier. Ipinaliwanag naman ni Javier at sinabi pa nito na lasing umano ang titser habang nagmamaneho ng motorsiklo at bukod daw sa wala itong helmet ay ginitgit pa siya sa daan saka nagpanggap bilang isang pulis.
Kinuyog pa umano si Javier ng mga tao sa palengke hanggang sa nagkaroon siya ng pagkakataon na makatakbo at nagpaputok pero hindi niya alam na may tinamaan na pala siya. Pinabulaanan din ni Javier na ginulpi niya si Cayabyab kaya nabasag ang mukha nito. Aniya, sumadsad ang mukha ng titser nang matumba ang motorsiklo nito.
Samantala, sinabi naman ng ilang nakasaksi sa pangyayari na kitang-kita nila ng iwasiwas ng pulis ang baril nito. “Sa una at pangalawa po niyang pagkalabit ng gatilyo ay hindi pumutok ang baril. Sa pangatlong beses ay tuluyan ng pumutok at nabaril na si Rodalyn,” ani Aling Claire na residente sa lugar.
Sa kabila nito, kung magkakaroon umano ng pag-uusap ay nakahandang makipag-ayos si Javier sa kanyang nadisgrasya. Subalit hustisya ang isinisigaw ng pamilya ng biktima na panganay sa limang magkakapatid.
“Paano na ang pangarap ng anak ko, sinira ng mama (Javier) na `yan. Gusto pa naman ng panganay ko na maging nurse. Sinira niya. Gusto ko lang mangyari ay mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng anak ko. Sana habang buhay siyang makulong,” pahayag ni Aling Merlita, ina ng biktima. (With Dindo Matining)
|